BLAZERS NAGLIYAB (Nuggets pinataob sa 4 OT; Bucks naka-2 sa Celtics)

Blazers

NAGBUHOS si CJ McCollum ng 41 points nang maitakas ng Portland Trail Blazers ang 140-137 panalo laban sa bumibisitang Denver Nuggets sa apat na overtimes noong Biyernes ng gabi sa pinakamahabang NBA playoff game magmula noong 1953.

Nagdagdag si Damian Lillard ng 28 points para sa Trail Blazers, na kinuha ang 2-1 bentahe sa best-of-seven Western Conference semifinals.

Umiskor si Jamal Murray ng 34 points, at nagsalansan si Nikola Jokic ng 33 points, 18 rebounds at 14 assists para sa Nuggets sa larong tinampukan ng 24 lead changes.

Nakatakda ang Game 4 sa Linggo sa Portland.

Na-split ni Will Barton ang pares ng free throws na nagbigay sa Denver ng  134-133 kalamangan, may isang minuto ang nalalabi sa ika-4 na OT, subalit isang baseline jumper ni Rodney Hood ang nag­hatid sa Portland sa trangko, 135-134, may 44.9 segundo ang nalalabi. Isang layup ni Paul Millsap ang nagbigay sa  Nuggets ng 136-135 bentahe, may 27.6 segundo sa orasan.

Naisalpak ni Hood ang isang 3-pointer upang bigyan ang Blazers ng 138-136 lead, may 17.8 segundo ang nalalabi. Naipasok ni Jokic ang isa sa dalawang  foul shots upang ilagay ang talaan sa 138-137,  may 5.6 seconds sa orasan.

Naibuslo ni Seth Curry ng Portland ang pares ng free throws para sa 140-137 lead, may 2.8  segundo ang nalalabi, at naagaw ang inbound pass ng Denver upang selyuhan ang panalo ng Blazers.

Samantala, humabol ang Milwaukee Bucks sa third quarter upang agawin ang kalamangan, pagkatapos ay sumandal sa balanced scoring tungo sa 123-116 victory panalo laban sa Boston Celtics noong Biyernes ng gabi sa Game 3 ng kanilang Eastern Confer-ence semifinal series.

Angat sa 2-1 sa best-of-7 series, target ng top-seeded Bucks ang ikatlong sunod na panalo sa muli nilang paghaharap sa Lunes ng gabi sa Boston.

Naitala ng Celtics ang 10 sa unang 12 points ng laro at lumamang sa halos buong first half,  kung saan umabante sila ng hanggang 12.

Comments are closed.