BLAZERS PINASO ANG PACERS

Blazers vs Pacers

HINDI nagpaawat si Damian Lillard sa pagkamada ng 50 points, napantayan ang kanyang season high 13 assists at kumalawit ng 6 rebounds  upang pa­ngunahan ang Portland Trail Blazers sa 139-129 panalo laban sa bisitang Indiana Pacers noong Linggo ng gabi.

Naipasok ni Lillard ang 14 sa kanyang 23 tira mula sa field – kabilang ang 8 of 12 mula sa 3-point range – upang maging unang player sa franchise history na nagtala ng tatlong sunod na 40 points o higit pa. Si Lillard ay umiskor ng 158 points sa tatlong laro, simula sa franchise-record 61 kontra Golden State noong Lunes at 47 laban sa Dallas noong Huwebes.

Gumawa si CJ McCollum ng 28 points, kabilang ang anim na 3-pointers para sa Trail Blazers makaraang lumiban sa naunang tatlong laro dahil sa ankle injury.

Tumipa si Jeremy Lamb ng 28 points at nag-ambag si Domantas Sabonis ng 27 points, 14 rebounds at career-best 11 assists para sa Pacers, na natalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa kanilang huling siyam na laro,

Nalasap ng Indiana ang ika-11 sunod na kabiguan sa Portland.

CLIPPERS 112, MAGIC 97

Nagbuhos si Kawhi Leonard ng 31 points at humugot ng 14 rebounds, habang nagdagdag sina Landry Shamet at Montrezl Harrell ng tig-19 points nang gapiin ng Los Angeles Clippers ang Orlando Magic.

Kumana si Lou Williams ng 15 points para sa Clippers na umangat sa 4-1 sa kanilang  season-long six game road trip.  Napalawig ni Leonard ang kanyang  career-long streak na 30-point games sa walo.

Tumapos si Michael Carter-Williams na may 15 points at nagdagdag si Nikola Vucevic ng 13 para sa Magic na nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.

GRIZZLIES 114, SUNS 109

Pinangunahan ni Ja Morant ang tatlong Memphis players na umiskor ng  20-plus points na may 23 nang igupo ng host Grizzlies ang Phoenix Suns.

Tumapos sina Jaren Jackson Jr. at Dillon Brooks na may tig- 20 points.

Tatlong iba pang players ng Grizzlies ang umiskor ng double figures, kung saan nagdagdag sina Jonas Valanciunas ng 12 points, at Brandon Clarke at De’Anthony Melton ng tig-10 mula sa bench.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng New Orleans Pelicans ang bisitang Boston Celtics, 123-108.