TAGUIG CITY – HUMINGI ng paumanhin sa publiko ang kapareha sa blogging ni Presidential Communication Assistant Secretary Mocha Uson na si Drew Olivar kasunod ng kontrobersiyal na post sa social media hinggil sa babalang nakatatakot magtungo sa EDSA para mag-rally.
Humarap kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Director Guillermo Eleazar ang kontrobersiyal blogger na si Drew Olivar kahapon ng alas-2:00 sa Camp Bagong Diwa Bicutan.
Sa pagharap ni Olivar kay Eleazar, humingi ng tawad sa publiko ang blogger at sinabing wala siyang masamang intensiyon sa kanyang post sa facebook bago ang araw ng paggunita ng deklarasyon ng Martial Law.
Una nang umani ng batikos ang post ni Olivar nang sabihin niya na, “nakakatakot naman magrally sa EDSA, kasi may kumakalat na baka maulit mangyari ‘yung pambobomba sa Plaza Miranda, kaya kung ako sa inyo ay hindi na ako pupunta”.
Aniya, simula pa lang noong Setyembre 8, nabahala rin umano siya sa mga nababalitaan niyang nangyayaring pambobomba nitong mga nakalipas na panahon sa Mindanao.
Aniya, humarap siya sa publiko para mag-sorry kung may natakot man o naalarma sa kanyang post.
Nanindigan din ang blogger na wala siyang intensiyon manakot at handa siyang harapin kung anuman ang magiging imbestigasyon sa kanya ng pulisya.
Sinabi naman ni Eleazar, naintindihan niya ang magandang intensiyon ng blogger para magbigay ng paalala sa kanyang mga kaibigan o followers.
“Dapat po ay sa awtoridad niya pinadaan ang kanyang concern kung may nakukuha man siyang impormasyon sa sinasabing banta,” ani ni Eleazar.
Depensa pa ni Olivar, wala umano siyang kilala sa PNP para kanyang pagsumbungan.
Gayunman, kanila pa rin aniyang iimbestigahan at mangangalap ng kaukulang ebidensiya kung dapat ngang managot si Olivar sa batas.
Aniya, may umiiral na Presidential Decree No. 1727, na nagsasaad na anumang pagdedeklara ng maling impormasyon, o pagbibiro na may kinalaman sa bomba o anumang kahalintulad na uri nito ay maaaring mapatawan ng pagkakakulong mula limang taon, at multang aabot sa P40,000. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.