BLU GIRLS SASABAK SA 3 MAJOR TOURNEYS

WALANG makapipigil sa Philippine Blu Girls.

Ang Blu Girls ay naghahanda na para sa tatlong major competitions sa nalalabing anim na buwan ng taon, kabilang ang inaugural Co-ed Slow Pitch Softball World Cup sa Mexico sa December.

Nagkuwalipika rin ang Blu Girls sa Softball World Cup (fast pitch) sa Italy sa susunod na buwan at nakatakdang sumabak sa Asian Games sa Hangzhou, China sa September.

“Maganda naman ang preparations, thanks to our supporters,” pahayag ni coach Ana Santiago, nangangasiwa sa mga paghahanda para sa lahat ng tatlong torneo, sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.

Si Santiago ay sinamahan sa public forum nina team captain CJ Roa at mainstay Angelu Gabriel.

Ang Blu Girls ay nakapasok sa Co-ed Slow Pitch World Cup nang tumapos sa ikalawang puwesto sa likod ng Chinese-Taipei sa katatapos na Asia Cup sa Pattaya, Thailand kung saan nakaharap din nila ang mga koponan mula sa China, Thailand at Singapore.

Sa ilalim ng co-ed setup, ang mga koponan ay pinapayagang magpasok ng pantay na bilang ng male at female players. Ang mga koponan ay karaniwang nagpapasok ng male pitchers subalit kailangang magpasok ng female catchers.

“It’s newly organized that’s why our players in the co-ed slow pitch are the same players in our fast pitch squad,” sabi ni Santiago.

“It’s also my first time to coach a team with male players and in slow pitch that’s why I needed to study all the rules.

They are almost similar,” aniya.

“But for now, our preparations are focused on the fast pitch World Cup on July 22 to 27 in Italy. Wala na kami international exposure for that. But we will do a two-week camp in Baguio,” dagdag pa niya.

Sa Italy ay makakaharap ng Blu Girls ang world No. 1 team sa Japan kasama ang Canada, New Zealand, Venezuela at ang host country.

“Then we focus on the Asian Games and the Co-Ed World Cup and for that we are hoping to get international exposure. Gusto sana namin sa Japan so we can train with their national team,” sabi pa ni Santiago.