(BOC at PCG  nagsanib-puwersa) BORDER CONTROL, ANTI-SMUGGLING OPS HIHIGPITAN

Leonardo Guerrero

MAGPAPATUPAD na ng mas mahigpit na hakbangin ang Phi­lippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa kooperasyon sa border control, anti-smuggling operations, at iba pang customs matters sa buong bansa.

Nakapaloob ito sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) para sa magkasamang pamamahala at pagpapatakbo ng 20 newly-procured fast patrol boats.

Nagkasundo sina PCG Commandant, Admiral George Ursabia Jr at Customs Commissioner  Rey Leonardo Guerrero na magtutulungan para sa mahusay na paggamit at pag-navigate ng nasabing 12-meter floating assets upang mapanatili ang seguridad, kapayapaan at kaayusan sa loob ng hurisdiksyon ng dagat sa Pilipinas.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ang BOC ay magkakaroon ng awtoridad na mag-deploy ng mabilis na mga patrol boat para sa law enforcement missions habang ang PCG ay magbabahagi ng teknikal na kadalub­hasaan sa pagpapatakbo at pag-navigate sa nasabing floating assets at tiyakin na ang kaalaman at kasanayan ay mahusay na mailipat sa mga tauhan ng BOC.

Gayundin,  sa koordinasyon sa BOC ay maaring magamit ang fast patrol boats sa pagsasagawa ng search and rescue operations sa pagtugon sa mga insidente sa dagat.

Ang bawat fast boat ay dapat pangasiwaan ng siyam na crew members na binubuo ng limang BOC personnel at apat na PCG non-officers  na nakatapos ng Small Boat Operation and Management Course (SBMOC).

Nabatid na ang BOC ang responsable sa paglalaan ng pondo para sa pang-araw-araw na preventive maintenance  ng kagamitan o machines on board procurement ng spare parts at iba pang consumables pati na rin ang dry docking at iba pang repair activities ng fast patrol boat.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pasasalamat si Guerrero, sa ngalan ng BOC sa suporta ng PCG na lipulin ang lahat ng mga iligal na aktibidad na nauugnay sa kalakalan. PAUL ROLDAN

Comments are closed.