BOLICK NANGUNGUNA SA BPC RACE

BUMABANDERA si Robert Bolick sa PBA Governors’ Cup Best Player of the Conference race sa kabila na hindi nakapasok ang NorthPort sa playoffs.

Ang hot-shooting guard mula sa San Beda ay nangunguna sa karera para sa top conference individual award sa pagtatapos ng eliminations, kung saan lider din siya sa scoring, assists, at  steals.

Si Bolick, 26, ay nakalikom ng kabuuang 39.9 statistical points (sps), habang no. 1 sa  scoring na may 21.8 points. May average din siya na 8.8 assists at 2.2 steals, na parehong pinakamataas sa liga.

Subalit ang NorthPort star ay inaasahang mapapalaban nang husto para sa award makaraang maagang masibak ang  Batang Pier sa season-ending meet.

Nakabuntot sa kanya sina Matthew Wright ng Phoenix, TNT talented rookie Mikey Williams, at NLEX guard Kevin Alas.

Si Wright ay no. 2 sa BPC standings na may 34.9 sps kung saan pinangunahan niya ang Fuel Masters sa pag-usad sa playoffs nang gapiin ang Batang Pier sa kanilang knockout game, 101-98.

Pumapangatlo si Williams na may 33.9 sps, habang tumapos sa ikalawang puwesto sa likod ni Bolick sa kanyang 21.4-point average. Ang Finals MVP ng nakaraang Philippine Cup ay malakas na kontender din para sa season MVP trophy, lalo na’t ang  Tropang Giga ay tumapos na no. 3 seed sa playoffs.

Samantala, nasa no. 4 si Alas na may 33.55 sps, kung saan pinangunahan niya ang NLEX sa pagtatapos sa no. 2 papasok sa quarterfinals.

Pasok din si dating MVP at veteran forward Arwind Santos sa Top 5 na may 33.50 sps. Nagtala siya ng impresibong numero na 17.3 points, 9.3 rebounds, at league-best 1.8 blocks sa kanyang unang conference sa NorthPort franchise.

Nasa no. 6 si Scottie Thompson ng defending champion Barangay Ginebra na may 33.3 sps, kasunod si six-time MVP June Mar Fajardo ng San Miguel na may 32.5 sps at eague-leading 11.2-rebound average.

Ang iba pa sa  Top 10 ay ang Magnolia duo nina Paul Lee (30.9 sps) at  Mark Barroca (30.0 sps), kasama si NorthPort rookie Jamie Malonzo (29.8 sps).