BOLICK PBAPC PLAYER OF THE WEEK

Robert Bolick

IPINAKITA ni Robert Bolick na nakahanda siyang pamunuan ang NorthPort kasunod ng pag-trade kay top gunner Stanley Pringle sa Barangay Ginebra.

Magmula nang ipa­migay ng Batang Pier si Pringle sa Ginebra kapalit nina Kevin Ferrer, Sol Mercado at Jervy Cruz ay pina­ngunahan ng rookie guard mula sa San Beda University ang koponan sa pagkopo ng isang quarterfinals berth sa PBA Commissioner’s Cup.

Si Bolick ay may average na 19.0 points, 7.5 rebounds, at 9.5 assists sa isang all-around performance upang igiya ang Batang Pier sa back-to-back wins kontra Rain or Shine at Blackwater at iangat ang kanilang record sa league-best 7-1, katabla ang TnT Katropa.

Ang impresibong ipinakita ni Bolick ay nagbigay sa kanya ng kanyang kauna-unahang PBA Press Corps-Cignal Player of the Week para sa June 17-23 period.

Nakakuha rin ng boto mula sa PBAPC ang teammate ni Bolick na si Sean Anthony.

Ang iba pang contenders para sa weekly citation ay sina Moala Tautuaa ng NorthPort, Jayson Castro at Roger Pogoy ng TNT Katropa, Alex Cabagnot ng San Miguel Beer, Paul Lee ng Magnolia, Pringle, at Jericho Cruz ng NLEX.

Sa unang laro ng NorthPort na wala si Pringle ay binuhat nina Bolick at Tautuaa ang Batang Pier sa paghabol mula sa 25-point deficit upang maungusan ang Rain or Shine Elasto Painters sa overtime, 107-105.

Tumipa si Bolick ng 22 points at naisalpak ang pressure-pack three-pointer, may 11 segundo ang nalalabi sa regulation na nagdala sa laro sa overtime.

Tumapos si Tautuaa na may career-high 34 points para sa Batang Pier, na naglaro na may eight-man rotation lamang.

Pagkalipas ng tatlong araw ay mulinang nanalasa si Bolick, kung saan kinapos lamang siya ng isang rebound para makumpleto ang triple double sa 127-99 paglampaso ng koponan sa Blackwater Elite.  Tumapos siya na may 16 points, 9 rebounds, at 10 assists sa panalo na unang pagsalang nina Mercado, Ferrer, at Cruz sa koponan.

Comments are closed.