Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Terrafirma vs San Miguel
6:30 p.m. – Ginebra vs NorthPort
KUMINANG si Shonn Miller sa kanyang Meralco debut sa pagkamada ng 33 points at 22 rebounds upang pangunahan ang Bolts ss 85-80 panalo kontra Magnolia Chicken Timplados sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa University of San Agustin gym sa Iloilo City.
Isinalpak ni Miller ang isang crucial tip-in sa key stretch para sa Bolts sa huling bahagi ng fourth, tungo sa kanilang ika-7 panalo sa siyam na laro upang sumalo sa second place sa Phoenix Super LPG.
Muling nalasap ng Magnolia ang pagkatalo sa isang out-of-town game ngayong conference, tinapos ang eliminations na may 9-2 kartada, bagama’t nanatili ito sa unahan ng team standings.
Kumana si Miller, ang ikatlong import ng Bolts na pumalit kay Zach Lofton, ng putback, may 1:40 ang nalalabi sa laro upang palobohin ang kalamangan sa tatlo makaraang tapyasin ng Hotshots ang deficit sa isa, 77-76.
Ipinasok din ni Cliff Hodge ang isang jumper kasunod ng basket ni Miller upang hilahin pa ang kalamangan sa limang puntos.
Nagdagdag si Chris Newsome ng 17 points, kabilang ang apat na late free throws upang selyuhan ang panalo ng Meralco sa isa na namang hard-earned win kontra Magnolia.
Nakuha ng Bolts ang momentum makaraang bumanat ng 11-0 blast sa kalagitnaan ng fourth upang itarak ang pinakamalaking kalamangan sa laro sa 73-61.
Nagtala si Tyler Bey ng 23 points at 16 rebounds, habang nagdagdag si Mark Barroca ng 18 points para sa Magnolia, na ang unang kabiguan sa conference ay naganap sa Cagayan De Oro City laban sa Rain or Shine.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Meralco (85) – Miller 33, Newsome 17, Quinto 8, Caram 6, Hodge 5, Banchero 3, Black 2, Almazan 2, Rios 2, Bates 2.
Magnolia (80) – Bey 23, Barroca 18, Abueva 10, Jalalon 8, Eriobu 5, Lee 4, Sangalang 4, Dela Rosa 3, Mendoza 3, Laput 2, Tratter 0, Dionisio 0.
QS: 20-16; 35-37; 57-58; 85-80.