Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Phoenix vs Magnolia
6 p.m. – San Miguel vs Ginebra
TUMAAS ang boltahe ng Meralco upang maitala ang bounce back 97-87 victory kontra inaalat na NorthPort at sumalo sa ikalawang puwesto sa PBA Philippine Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo.
Nalasap ang 71-78 pagkatalo sa TNT noong nakaraang Sabado, bumawi ang Bolts at ibinaon ang Batang Pier sa 19-point hole sa unang 24 minuto tungo sa kanilang ikatlong panalo sa apat na laro.
Nabigo ang NorthPort, nalamangan ng hanggang 27 points, na makabangon at nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan matapos ang mainit na 2-0 simula.
Nakuha ng tropa ni coach Norman Black ang magandang rhythm sa shooting, kung saan nagsalpak ito ng 16 triples, habang napanatili ang matinding depensa.
Pinangunahan ng kanyang anak na si Aaron ang opensiba ng Meralco sa pagkamada ng 20 points sa 9-of-12 clip.
Nagdagdag sina Allein Maliksi at Chris Banchero ng tig-16 points, tampok ang apat na tres para suportahan ang batang Black, na nagbalik sa aksiyon makaraang lumiban sa huling laro sanhi ng wrist injury.
Nag-ambag sina Reynel Hugnatan ng 11 points at relief big man Toto Jose ng 9 points at 13 rebounds, at nakipagsanib-puwersa kina Noy Baclao at Cliff Hodge sa pag-anchor sa interior game ng Meralco sa pagkawala ni Almazan. Ang 6-foot-7 na si Almazan ay isinailalim sa health and safety protocols.
“That’s exactly what we needed – for some of the others to step up. I thought Toto did a good job for us tonight and also Noy and Reynel. These three plus Cliff held the fort for us as I also realized that NorthPort is not a very big team so we can match up with them size-wise,” sabi ni Black.
“But we just wanted to bounce back from our loss to TNT. I thought we played pretty good defense against TNT but our offense was really off and out of whack. But tonight, our offense flowed a lot better and our defense really held up,” dagdag pa ni Black.
Si Maliksi ang nagsindi sa Meralco, sa pagkamada ng 11 points at tatlong triples sa first period upang bigyan ang Meralco ng 32-22 kalamangan.
Nanguna si Jamie Malonzo para sa NorthPort na may 21 points habang nalimitahan si Robert Bolick sa 15.
– CLYDE MARIANO
Iskor:
Meralco (97) – Black 20, Maliksi 16, Banchero 16, Hugnatan 11, Quinto 9, Jose 9, Newsome 7, Baclao 4, Pasaol 3, Hodge 2, Belo 0, Caram 0.
NorthPort (87) – Malonzo 21, Bolick 15, Santos 11, Ayaay 10, Calma 10, Balanza 9, Sumang 9, Dela Cruz 2, Apacible 0, Javier 0, Ferrer 0.
QS: 32-22, 56-37, 83-61, 97-87