MATAPOS na ilunsad ni Sen. Bong Go ang ika-68 Malasakit Center sa East Avenue Medical Center sa Quezon City kamakailan, nilinaw niya ang kanyang seryosong pagpapaigting pa sa pagpopondo at pag-implementa sa mga programang pangkalusugan.
“Bukas na po ang inyong Malasakit Center. Uulitin ko, inyo po ang Malasakit Center. Sa tao po iyan, pera niyo ‘yan at ibinabalik lang po sa inyo,” pahayag ni Sen. Go.
Ang Malasakit Center sa East Avenue Medical Center ay isang one-stop shop para sa mga pasyenteng nag-a-apply para sa medical at financial assistance mula sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at PhilHealth.
“Noong wala pang Malasakit Center, kapag may (hospital) bill kayo dito sa East Avenue Medical Center… ‘Di ba Lunes, kayong mga taga-Quezon City, pupunta kayo kay Mayor. Matulungin si Mayor pero may limitasyon ang pera ng gobyerno… Pipila na naman kayo sa PCSO ng Martes. Madaling araw pa lang, pipila kayo… Miyerkoles, pipila kayo sa DOH, Huwebes pipila kayo sa DSWD, Biyernes, pipila kayo sa PhilHealth, ubos ‘yung panahon ninyo, ubos pa ang pamasahe ninyo sa kapipila, tapos ‘yung pasyente ninyo naghihintay doon,” pahayag ni Sen. Go ukol sa reyalidad na kinakaharap ng marami nating kababayan para lamang makasumpong ng serbisyong pangkalusugan na karaniwan ay kritikal para sa kani-kanilang pasyente.
“’Yun naman talaga ang totoo. Sa totoo lang, pera ninyo naman iyan. Bakit pa tayo magmamakaawa? Kaya tayo nag-Malasakit Center. Tutulong ang apat na ahensiya sa pagbabayad ng inyong pampagamot. Kung may balanse kayo, may dagdag na tulong pa mula sa Malasakit Center. Zero-balance ang target natin,” paliwanag ni Go.
“Walang politika rito, basta Filipino ka, lalo na ang mga poor and indigent patients, qualified ka po sa Malasakit Center. Batas na ito, 73 DOH-run hospitals, lalagyan ng Malasakit Center at ‘yung mga provincial o LGU-run hospitals, may criteria lang po na kailangang sundin,” sabi pa niya.
“Sa mga health worker po, ipaglalaban ko po kayo. Walang mawawalan ng trabaho na mga health worker. Ipaglalaban ko kayo. Ang budget cut ng DOH, sabi ko, ‘di puwede iyan, ibalik iyan,” sinabi naman ni Go na may kaugnayan sa DOH budget na kanyang inisponsoran upang masiguro ang pag-eempleyo sa mga health worker sa public sector.
“’Yung mga nurse, panalo na kayo. ‘Yung salary difference ninyo, ibibigay po sa inyo. At ang increased salary through the Salary Standardization Law 5 na ipinangako ko sa inyo, pinirmahan na po ni Pangulong Duterte,” masayang ibinalita naman ni Sen. Go.
“Handa po akong tumulong. I filed a Senate bill to make it easier to increase the bed capacity of public hospitals… Alam naman natin na kulang naman talaga ang mga kama natin. Minsan, ang mga pasyente, nakahilera diyan sa gilid, 2 pasyente sa iisang kama. Kawawa iyong Filipino. Kaya magtulungan po tayo,” pahayag ni Go.
“Hindi po ako politiko, ayaw ko pong mangako sa inyo na hindi namin kaya. Basta hintayin ninyo na lang po ang resulta ng serbisyong Tatak Duterte. Magseserbisyo po kami sa inyo,” dagdag pa niya.
Comments are closed.