NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Senador Christopher “Bong” Go sa hosting ng Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup.
Ibinahagi ni Go, na aktibong sumusuporta sa event bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, ang kanyang pananaw sa hosting, performance, at kinabukasan ng basketball sa bansa.
“Speaking about the hosting, so far, so good naman po ang ating hosting,” pahayag ni Go makaraang asistihan ang mahihirap na residente sa Parañaque City
Binigyang-diin niya ang positibong epekto ng event sa turismo at investment sa bansa.
“Naipapakita po natin ang kagandahan ng ating bansa, ang ating bayan, at tourist spots,” aniya.
“I’m sure ‘yung iba diyan namamasyal po sa ating tourist spots. Ma-e-encourage po natin ang ibang turista at mga investors na mag-invest dito dahil makikita nila,” dagdag ni Go.
Binigyang-diin din ng senador ang matagumpay na mga laro na idinaos sa iba’t ibang venues, kabilang ang Philippine Arena, Mall of Asia Arena, at Araneta Coliseum.
“Sa first sa Philippine Arena, sa succeeding games po sa MOA at Araneta, naging maganda po ang outcome.
Maganda po ang suporta ng ating mga kababayan, ng mga Pilipino nating kababayan,” ani Go.
Ang FIBA World Cup 2023 ay isang mahalagang kaganapan sa bansa, hindi lamang bilang isang kalahok kundi bilang isang host nation. Ang opening match kontra Dominican Republic ay nagtala ng bagong FIBA Basketball World Cup indoor attendance record, na may 38,115 fans na nanood sa Philippine Arena.
Sa kabila ng enthusiastic crowd, ang Gilas Pilipinas ay kinapos sa Dominican Republic, 87-81. Ang initial setback na ito ay sinundan ng isa pang kabiguan, sa pagkakataong ito ay kontra Angola, 80-70. Ang magkasunod na pagkatalo ay naglagay sa kampanya ng national team sa balag ng alanganin sa Group A ng torneo.
Kailangang talunin ng Gilas ng 13 points ang Italy para manatili sa kontensiyon para sa second round.
Sa kabila ng mga pagkatalo ng national team, si Go ay hindi nawawalan ng pag-asa para sa Gilas Pilipinas. “Kahit natalo po tayo ng dalawang beses, hindi pa po tapos ang laban. Meron pa tayong pag-asa kung mananalo po tayo bukas kontra Italy by 13 points,” aniya.
Nang tanungin hinggil sa pagkadismaya sa mga pagkatalo sa kabila ng puspusang paghahanda, inamin ni Go na pinanghinaan siya ng loob ngunit hinimok ang mga Pilipino na patuloy na suportahan ang koponan.
“Sino ba namang hindi manghihina? Kahapon, lamang na tayo ng 11, nahabol pa tayo. Alam mo, lumabas po ako ng gym, sobrang lungkot, nanghihina. Ngunit ganun naman talaga ang basketball; may mananalo, may matatalo,” ani Go.
Muli siyang nanawagan para sa pagkakaisa at suporta sa national team. “Gilas Pilipinas, puso!”