BONGBONG 60%, UNA PA RIN SA PULSE ASIA SURVEY; LENI NALAGLAG PA SA 15%

NANANATILING na­ngunguna si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang susunod na lider ng bansa base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia Research Inc.

Ayon sa pinakahuling Pulso ng Bayan pre-electoral national survey ng Pulse Asia na isinagawa nitong Pebrero 18-23, mas naging solido pa ang malaking lamang ni Marcos sa mga katunggali.

Ito ay matapos siyang makakuha ng 60% voter preference. Aabot naman sa 45% ang lamang ni Marcos sa kanyang katunggali na si Leni Robredo na nakakuha ng 15%.

Bumaba pa ang bilang ni Robredo ng isang puntos kumpara sa kanyang 16 porsyento noong Enero.

Pangatlo si Isko Domagoso na mayroong 10 %, Manny Pacquiao  8 %, at Ping Lacson 2 %.

Lumabas din sa pinakahuling Pulse Asia survey na solido at malaki ang lamang ni Marcos sa lahat ng malalaking voting population areas.

Sa National Capital Region (NCR), nakakuha si Marcos ng 66% voter preference, o tumaas ng siyam na porsyento mula sa kanyang 57% nitong Enero.

Maging ang 68% voter preference ni Marcos sa Mindanao ay tumaas ng dalawang porsyento, mula sa 66% niya nitong Enero.

Samantala, nananatili ring matatag ang voter preference ni Marcos sa Balance Luzon na mayroong 58% at 53% sa Mindanao.

Nakumpirma rin ang “Solid North” voting bloc sa nasabing survey.

Paniwala ng ilang mga political expert, tila hindi umuubra ang mga “negative campaign” laban kay Marcos ng kanyang mga katunggali.

Sa kabilang banda, ang kanyang katunggali na si Robredo ay patuloy ang pagsadsad ng mga numero sa iba’t ibang rehiyon.

Nakapagtala si Marcos ng 74 %sa CAR; 82% sa Region 1; at 86 %  sa Region 2.

Habang si Robredo ay sumadsad ng 1 porsiyento sa CAR; 7 porsyento sa Region 1 at 6 por­syento sa Region 2.

Lamang din ng malaki si Marcos sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Min­danao (BARMM) matapos makakuha ng 47% voter preference.

Nauna nang iginiit ni Marcos at kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte na hindi sila makikilahok sa maruming pulitika o batuhan ng putik ngayong halalan sa kabila ng mga patuloy na banat at pagbira sa kanila.

Kapwa itinutulak ng UniTeam ang mapagkaisang pamumuno kasabay ng pagbangon ng bansa mula sa pandemya.