BORACAY WATER POLLUTERS MAGBABAYAD NG MATAAS NA MULTA

MATINDING parusa at ma­taas na multa ang haharapin ng mga establisimiyentong na­diskubreng ilegal na nagtatapon ng maruming tubig sa dalampasigan ng Boracay.

Ito ang babala ni Environment Secretary Roy A. Cimatu kahapon.

Ayon sa kalihim, depende sa rami ng ilegal na koneksiyon ng tubong kanilang nahukay, sasampahan nila ng kaso at pananagutin ang mga nagkasalang establisimiyento at ang mga may-ari nito.

Ilan sa mga kasong kanilang kahaharapin ay ang paglabag sa Republic Act No. 9275, o Philippine Clean Water Act of 2004.

Sa nasabing batas, sinumang lumabag dito ay pagbabayarin ng kalihim ng DENR sa rekomendasyon ng Pollution Adjudication Board, ng hindi bababa sa P200,000 sa bawat araw ng paglabag, mula nang ikabit ang mga ilegal na tubo.

Depende rin sa bigat ng paglabag, puwedeng ipasara ang establisimiyento.

Kung hayagan namang lalabagin ang kautusang ito ay sasampahan din sila ng mga kasong kriminal.

Noong Mayo 25, ang DENR — kasama ang mga kinatawan ng Aklan provincial government at 100 sundalo ng 3rd Infantry Division of the Philippine Army nahukay ang 26 na ilegal na tubo sa baybayin ng Boracay. Nakakabit ito sa may 16 na establisimiyento.

Dalawa sa kanila ang nais­yuhan na ng notices of violation matapos ang water sampling na isinagawa ng Environmental Management Bureau (EMB) at kumpirmahing marumi nga ang tubig na galing dito.

Ilan sa mga establisimiyentong nahulihan ng illegal pipes ay ang: Water Colors (1 tubo); Hoy Panga (3 tubo); La Fiesta (1 tubo); at Manana Mexican Cuisine ( 1 tubo).

May natagpuan din na dalawang tubo sa harapan ng Dive Gurus; 1 tubo bago ang sewer manhole sa Ocean Club/Jungco; 1 tubo sa Bamboo Bungalow; 1 tubong nakakabit sa dalampasigan sa pagitan ng Blue Waves Beach House at Discovery Shores; at 2 tubo sa Ambassador in Paradise; 1 tubo sa boundary ng Hennan Prime at La Brisas de Boracay.  NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.