Nag-agawan sa bola sina Troy Rosario ng Blackwater at Rodney Brondial ng San Miguel sa kanilang laro sa PBA On Tour kagabi sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro sa Miyerkoles:
(UST gym)
5 p.m. – NorthPort vs NLEX
7:30 p.m. – Ginebra vs Meralco
PINALAWIG ng Blackwater ang pagdurusa ng San Miguel Beer sa pamamagitan ng 103-101 panalo sa PBA On Tour nitong Linggo sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Ipinakita ang pagiging beterano, kalmadong isinalpak ni Jayvee Casio ang pressure-packed charities na nagbigay sa Bossing ng 102-101 kalamangan, may 22.9 segundo ang nalalabi.
May pagkakataon ang Beermen na mabawi ang kalamangan at ginamit ang timeout upang bumuo ng plano. Subalit nang ipagpatuloy ang play, tumalbog sa rim ang wide-open, one-handed jumper ni Jericho Cruz.
Nakuha ni Baser Amer ang rebound at inilagay ang final count sa charity split, na nagselyo sa unang back-to-back wins ng Blackwater sa torneo na nag-angat sa kanilang record sa 5-3.
Sa dapat sana’y limitadong stint para sa kanya kasunod ng 24-point, eight-rebound production sa 92-90 panalo kontra Phoenix Super LPG noong nakaraang linggo, si Troy Rosario ay naglaro sa loob ng 30 minuto at tumabo ng 19 points, 5 rebounds at 4 assists.
“Pakiramdam ko sore ako ngayon, pero sabi ng mga coach, ‘Kailangan ka namin ngayon.’ So I have to fight through the soreness. Okay lang, nakuha naman panalo,” sabi ni Rosario.
“Good thing nakuha namin ‘yung streak na ito,” dagdag ng forward-center. “Simula ng PBA On Tour na ito… hindi pa kami nag-dalawang sunod so magandang regalo ito kay Coach Jeff (Cariaso) sa pagdating niya.”
Si Cariaso, dumalo sa ilang coaching clinics sa US, ay dumating noong nakaraang Miyerkoles subalit ipinaubaya pa rin ang coaching chores kay deputy Jo Silva.
Nag-ambag din sina Casio, Amer at Mike Digregorio ng tig-13 points.
Nahulog ang SMB sa 2-6 kartada makaraang malasap ang ika-5 sunod na kabiguan.
Nagbuhos si Allyn Bulanadi ng game-high 26 points habang nagdagdag si Cruz ng 25. Kumubra si John Brondial ng 10 points at 12 boards.
-CLYDE MARIANO