Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
3 p.m. – San Miguel vs NLEX
6 p.m. – Converge vs Magnolia
EKSAKTONG tatlong buwan makaraang silatin ang Governors’ Cup top seed upang putulin ang 29-game losing streak, pinataob ng Blackwater Bossing ang defending champions para mainit na simulan ang kanilang kampanya sa PBA Season 47 Philippine Cup.
Sumandal sa mainit na kamay ni Jvee Casio at sa solid outing mula sa role players, dinispatsa ng Bossing ang title holder TNT Tropang Giga, 85-78, kagabi sa Ynares Center sa Antipolo.
Nagpakawala si Casio ng 22 points, kabilang ang limang triples, tampok ang 12 sa fourth quarter na umapula sa late-game threat ng RR Pogoy-led Tropang Giga tungo sa 1-0 simula.
Nagpakita rin sina Baser Amer (11), rookie Ato Ular (10), James Sena (10) at Yousef Taha (10) ng matinding offensive games upang tulungan ang Blackwater na maitakas ang panalo, na naitala kasunod ng 101-100 pag-ungos sa Govs’ Cup No. 1 Magnolia sa kanilang huling elims game upang putulin ang skid ng franchise.
“We just stuck to what’s working. It’s not everyday that you get a chance to beat a champion team. Alam namin if we play together, play as a team, we’ll have a chance,” wika ni coach Ariel Vanguardia.
Sa pangunguna ni Casio, kinuha ng Bossing ang 49-39 kalamangan sa 12-2 salvo sa pagsisimula ng third quarter. Pinalobo ng tropa ni Vanguardia ang bentahe sa 64-51 at abante ng pito nang mag-init si Pogoy para itabla ang talaan sa 78-78.
Subalit naroon si Casio upang isalba ang Bossing. Tinapos ng veteran guard ang laro na may personal 7-0 blast.
“JVee played exceptionally well. There was a time we were thinking if we would sub him because he was playing a lot in the fourth but decided to keep him in. Thankfully he delivered, as expected,” ani Vanguardia, na ang koponan ay nalusutan ang pagliban ni rookie pick Brandon Rosser (finger injury).
Kumana si Pogoy ng game-high 32 points subalit nagmintis sa kanyang huling dalawang tira.
Matapos ang 78-72 opening-night win kontra Hotshots, ang Tropang Giga ay nahulog sa 1-1 kartada.
– CLYDE MARIANO
Iskor:
Blackwater (85) – Casio 22, Amer 11, Ular 10, Sena 10, Taha 10, Suerte 8, Ebona 7, McCarthy 4, Torralba 3, Melton 0, Dyke 0.
TNT (78) – Pogoy 32, Erram 10, Castro 10, Rosario 9, Alejandro 7, Khobuntin 4, Reyes 2, Montalbo 2, Rosser 2, Tungcab 0, Marcelo 0, Banal 0.
QS: 15-17, 39-37, 64-53,85.