MAPAPALABAN ang Blackwater sa Dubai asam na mapanatili ang progreso na kanilang natamo sa PBA Philippine Cup.
Ang Bossing ay sasabak sa Elite International Basketball Championship na nakatakda sa August 20-31 sa Maktoum bin Mohammed at Shabab Al Ahli Club.
Kakatawanin ng franchise ang PBA sa week-long meet na tinatampukan ng mga koponan sa Middle East at may basbas ng UAE Basketball Federation.
Ang Bossing ay galing sa kanilang unang playoffs appearance sa huling tatlong seasons sa all-Filipino conference, at gagamitin ang Dubai stint bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na Commissioner’s Cup.
“We’ll leave on the 17th or 18th I think. And this goes to show that management is hell bent on improving from this conference. And we would like to improve some more leading to the next conference,” sabi ni coach Ariel Vanguardia.
Sasabak din sa torneo ang Al Fateh (Saudi Arabia), Al Ahli (Bahrain), Al Arabi (Kuwait), Zamalek (Egypt), Hikma (Lebanon), Ahli Aleppo (Syria), Sale (Morocco), at Orthodox (Jordan).
Ang 10 teams ay hahatiin sa dalawang grupo.
Ipaparada ng Blackwater ang kaparehong roster na umusad sa Philippine Cup quarterfinals kasama ang kanilang import para sa mid-season conference.
Ang koponan ay yumuko sa top seed San Miguel sa first round ng playoffs, 123-93.
Ang Bossing ay magpapahinga ng 10 araw bago bumalik sa August 8 upang simulan ang ensayo para sa Dubai meet.
“We’re keeping the faith that’s why we’re starting early again. It’s a build up for the next conference,” sabi ni Vanguardia.
Kasabay ng torneo, si Vanguardia at ang kanyang coaching staff ay nakatakdang magsagawa ng clinic para sa mga anak ng overseas Filipino workers (OFWs) na naka- base sa emirate.
“I will be doing clinics for OFW kids as part of Blackwater’s community service to the Filipino community there,” anang Blackwater mentor.
Ang meet ay inorganisa ng BB Sport Service Company at mapapanood nang live ang mga laro sa pamamagitan ng Dubai TV, Shariah TV, at Sports Channel sa suporta ng UAE media.