BOSSING SUMALO SA SECOND SPOT

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – TNT vs Terrafirma
6 p.m. – Ginebra vs Converge

SUMANDAL ang Blackwater kay Baser Amer upang maungusan ang Meralco, 90-89, sa PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Malaking insulto at kahihiyan ang sinapit ni coach Norman Black at ng Bolts dahil ang tumalo sa kanila ay ang dati nilang kasamahan na si Amer na umiskor ng game-winning shot sa huling 1.7 segundo ng laro.

Ang kabayanihan ni Amer ay humila sa win streak ng Bossing sa tatlong laro at nakatabla ang Barangay Ginebra sa No. 2 na may 4-1 kartada.

Ang dating San Beda stalwart ay tumapos na may 6 points ngunit ang kanyang game winner ang nag-preserve sa game-long brilliance nina Jvee Casio at Ato Ular, na nanguna sa panalo ng Bossing na may tig-19 points, at Rey Suerte, na tumipa ng 15.

“I told him (Amer) before the game that this is your game, tatalunin mo ‘yung dati mong team. And he delivered,” sabi ni Blackwater coach Ariel Vanguardia, na pinatira si Amer ng potential go-ahead sa krusyal na opensiba kung saan inaasahang dedepensahan ng Meralco sina Casio at Yousef Taha.

“I told him, you’re gonna win this for us. So it takes a former Meralco player to beat Meralco. Siyempre, sila sanay sa pressure, been there, done that. Kami wala pa halos.”

“Ang maganda lang dito, kung last conference, kapag nakalamang kami then nalamangan kami, namamatay na ang kandila namin. Ngayon hindi, nakikita ko sa mata nila, lalo pa tumatapang,” ani Vanguardia.

Kinuha ng Blackwater ang 10-point lead sa halfway point ng fourth ngunit sinindihan ng 12-point outburst ni Bong Quinto, humabol ang Bolts at umabante sa 87-85, may 32.1 segundo ang nalalabi.

Sa pagsilat sa Meralco, nagwagi si Blackwater rookie Brandon Rosser sa kanyang debut game makaraang lumiban sa unang tatlong laro dahil sa finger injury. Tumapos si Rosser na may 8 points.

Kumubra sina Chris Newsome at Quinto ng 23 at 18 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Meralco, na nalasap ang back-to-back losses at nahulog sa 3-3.

– CLYDE MARIANO

Iskor:
Blackwater (90) – Ular 19, Casio 19, Suerte 15, McCarthy 12, Rosser 8, Taha 8, Amer 6, Ebona 2, Sena 1, Escoto 0, Ayonayon 0, Publico 0.
Meralco (89) – Newsome 23, Quinto 18, Banchero 14, Almazan 12, Hodge 6, Caram 6, Baclao 5, Hugnatan 2, Pasaol 2, Jose 1, Black 0.
QS: 18-30, 43-46, 70-69, 90-89.