TUMUGON ang Blackwater sa hamon ni coach Jeff Cariaso at tinapos ang kanilang kampanya sa PBA On Tour sa winning note sa likod ng 101-78 panalo sa TNT kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nanguna si veteran guard JVee Casio para sa Bossing, naitala ang 14 sa kanyang game-high 18 points sa second half nang tuluyang lumayo ang koponan sa Tropang Giga.
Si Casio ay 4-of-8 mula sa three-point range, habang nakakuha ng sapat na tulong mula sa iba pa sa Bossing, na may anim na iba pang players na tumapos sa double figures.
Ang 23-point victory ay una para kay Cariaso bilang Blackwater head coach buhat nang gabayan ang koponan sa preseason noong nakaraang linggo.
“I’m happy with the way the guys came out, mentally strong. Whatever I asked, binigay naman nila. So I’m proud of them for that,” sabi ng Bossing mentor.
“The challenge for the guys was to go on a break on a winning note. And it doesn’t matter what the situation were in, it doesn’t matter kung sino ang kalaban, anong games whether its PBA On Tour or a regular conference.”
Ang Bossing ay tumapos na may 7-4 record, katabla ang Meralco Bolts, ngunit nakuha ang third place via winner-over-the-other rule. Tinalo ng Blackwater ang Meralco noong nakaraang July 14 (89-82).
Ang TNT ay tumapos na may 1-10 record kung saan natalo ito sa kanilang huling tatlong laro sa preseason.
Muling nanguna si Glenn Khobuntin para sa Tropang Giga na may 18 points.
-CLYDE MARIANO