NASABAT ng Veterinary Inspection Board (VIB) ang may kalahating tonelada na botcha o double dead na mga karne at mishandled meat sa Recto Avenue sa Maynila, Sabado ng madaling araw.
Sa report, nagsagawa sina Nicanor Reyes, head ng special enforcement Squad ng VIB, ng routine inspection sa kanto ng Juan Luna Street at Recto Avenue nang makita nilang nakabalandra sa kalsada ang mga karne.
Gayunman, wala silang inabutang tindero.
Ani Reyes, nakatawag-pansin sa kanila ang nangingitim at nangangamoy na mga karne kaya agad na nila itong kinumpiska.
Kumpiskado rin ang mga karneng hindi nakasalansan ng maayos.
Ayon naman kay VIB officer-in-charge Alberto Burdeos, isa ang Recto Avenue sa lugar na talamak ang bentahan ng botcha kaya puspusan sila sa pagsasagawa ng operasyon.
Madali umano ngayong masira ang karne lalo na kung nabibilad sa araw dahil sa init ng panahon.
Mahigpit na ipinagbabawal sa Meat Inspection Code of the Philippines at Safety Act of the Philippines ang magbalandra ng panindang karne sa kalsada dahil hindi umano sigurado ang kalinisan.
Isasailalim sa laboratory inspection ang mga karne at ibabaon ito sa Vitas Slaughter House sa Tondo.
Muling pinaalalahanan ng VIB ang mga mamimili na maging mapanuri sa mga binibiling karne at huwag maeengganyo dahil sa mura ang presyo nito. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.