BOXING, COMBAT SPORTS, POWERLIFTING SA TOPS  ‘USAPANG SPORTS’

SENTRO ng talakayan ang professional boxing, combat sports at powerlifting sa pagbabalik ng Tabloids Organization in Philippine Sports Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, alas-10 ng umaga via Zoom.

Dalawa sa prominenteng pangalan sa pro boxing – Carl James Martin at Charly Suarez — ang maglalaan ng kanilang panahon para pag-usapan ang magkahiwalay nilang laban para sa international belt sa co-main event ng ‘Ultimate Knockout Challenge’ sa promosyon ni Cucy Elorde sa Marso 12, 2022 sa makasaysayang Elorde Sports Complex sa Sucat, Paranaque City.

Makakasama ng dalawa sa  sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR sina Peckat Silat Federation president Princess Kiram at powerlifting champion Joyce Reboton. Mapapanood ang livestreaming ng programa sa TOPS official Facebook page at YouTube.

Tangan ang impresibong 18-0 karta, tampok ang 15 KO, haharapin ng 21-anyos na si Martin, tinaguriang ‘Ifugao Wonder Boy’, ang matikas ding si Ronnie Baldonado (15-1) para sa WBA Asia Super Bantamweight title, habang target ni Suarez, 2016 Rio Olympian, ang WBA Asia Super Featherweight title laban kay Tomjune Mangubat.

Inaasahang mabibigyan ng kasagutan ni Kiram ang ilang isyu hingil sa hinanakit umano ng mga atletang naalis sa Philippine Team, gayundin ang kahandaan para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-27.

Personal naman ang pagdulog ni Reboton para makalikom ng suporta sa kanyang pagsabak sa World Championship sa susunod na buwan.

Ang 24-anyos na lifter ang kasalukuyang mukha ng Philippine powerlifting sa international community, ngunit ang kakulangan sa ‘Godfather’ ang balakid sa paghahangad na mas maraming Pinoy powerlifter ang makalaro sa abroad.