BREAKTHROUGH WIN ASAM NG BATANG PIER VS ‘TROPA’

Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
5 p.m. – NorthPort vs TNT
7:30 p.m. – Phoenix vs Rain or Shine

SA dalawang sunod na talo, kailangan ng NorthPort na maibalik ang kanilang tikas sa PBA On Tour laban sa TNT side na maglalaro na wala ang kanilang main weapons ngayong Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo.

Minabuti ng Katropa na bigyan ng karagdagang pahinga ang mga tulad nina Jayson Castro, Mikey Williams, Calvin Oftana, Roger Pogoy at Kelly Williams makaraang gumanap ng krusyal na papel sa kanilang Governors’ Cup championship run noong nakaraang Abril.

Maging si coach Jojo Lastimosa ay pansamantalang ipinagkatiwala ang coaching chores kay assistant Sandy Arespacochaga, bagama’t pinangangasiwaan niya ang sessions ng TNT magmula nang magsimulang mag-ensayo ang koponan, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Para tumulong na punan ang ilan sa bakanteng players slots, kinuha ng Katropa sina Clifford Jopia, Damie Cuntapay, Peter Alfaro at JV Gallego, pawang nagmula sa San Beda na naghahangad na mapasama sa darating na PBA Rookie Draft.

Bagama’t nasa lineup sina Poy Erram, Justin Chua, Kib Montalbo, Glenn Khobuntin at Paul Varilla, susubukan at titingnan ng TNT kung ang kanilang bagong recruits ay karapat-dapat.

Dapat samantalahin ng NorthPort ang pagkakataong ito para makapasok sa win-column sa pre-season.

Tinatampukan ng ilan sa kanilang sariling draft prospects, ang Batang Pier ay nahirapan sa malaking bahagi ng kanilang opening game at nalasap ang 89-97 decision sa Meralco noong nakaraang linggo, bago muling nalasap ang 75-87 pagkatalo sa San Miguel Beer noong nakaraang Sabado.

Sa kabila ng naturang mga pagkatalo, nananatiling kumpiyansa si NorthPort coach Bonnie Tan na mabubuo rin ng koponan ang chemistry.

“We’re still an ongoing process kaya nandiyan pa rin struggles,” sabi ni Tan kasunod ng SMB game.
“Pero umaasa kami na the more they play with each other, mas made-define na roles, mas magkakaamuyan na sila.”

-CLYDE MARIANO