INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Health (DOH) ang katotohanan hinggil sa napaulat na “bribery” o panunuhol ng ilang mga manufacturer ng COVID-19 vaccine sa ibang bansa.
Kasunod ito ng ulat ng Washington Post na may rekord umano ang Sinovac ng bribery sa regulatory bodies upang mapabilis ang approval o pag-apruba sa produkto nito gaya ng mga bakuna.
Nabatid na ang Sinovac ay isa sa mga pharmaceutical firms na ikinokonsidera ng Filipinas para magsuplay ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, batid ng DOH ang naturang ulat laban sa Sinovac, ngunit tiniyak na hindi mabibiktima ang Filipinas.
Sakali aniyang totoo ang balita, ay may ginagawa ng mga aksiyon ang pamahalaan, kabilang na rito ang imbestigasyon at validation ng vaccine expert panel upang mabatid kung totoo ang alegasyon laban sa Sinovac.
Sinabi ni Duque na ang vaccine expert panel maging ang Food and Drug Administration (FDA) ay maglalabas ng final report.
Magagamit aniya nila ito upang matiyak na hindi makalulusot ang anumang uri ng maling gawain o mabiktima ang ating bansa sakaling mapapatunayan ang mga kuwestiyonableng transaksiyon, gaya ng akusasyon sa Sinovac. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.