BRP TARLAC PAPARATING NA SA FILIPINAS

BRP Tarlac-4

INAASAHAN ang masayang welcome ceremony sa pagdating ng Philippine Navy Naval task Force 87 mula sa kanilang makasaysayang paglalakbay sa Vladivostok Russia at Jeju Island sa South Korea.

Nagsimulang  maglayag Martes ng umaga pabalik sa Filipinas ang BRP Tarlac LD601 matapos ang kanilang apat na araw na official port visit sa Jeju Island kasunod ng send off ceremony sa pantalan ng Seogwipo International Cruise Ship Port.

Opisyal na nagpaalam at nagpasalamat si Naval Task Force 87 commander Capt. Florante Gagua sa bumubuo ng pamunuan ng South ­Korean Navy sa mainit na pagtanggap sa Hukbong ­Dagat ng Filipinas.

Umaasa si Capt Gagua na mas higit pang yayabong ang ugnayan ng dalawang bansa kasunod ng apat na araw na pagbisita ng BRP Tarlac.

Magugunitang mismong si Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad at Capt. Chou Inchouel, South Korean Navy Chief of Staff for Flotilla at Navy Captain Armil Angeles-Defense and Armed Forces Attache, ang sumalubong sa  Philippine Navy Naval Task Force 87.

Dito nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap sina Empedrad at Inchoue kung saan nabanggit sa nasabing pag-uusap ang pagtulong ng Filipinas sa South Korea noong Korean war at  ayon sa mga Koreano ay kanilang tinatanaw na malaking utang na loob ito sa  mga Filipino na nakipaglaban nang sabayan para sa Korea.

Ipinarating naman ni Empedrad sa kanilang counter part na kung kakailanganin ay handa ulit na lumaban muli ang Filipinas para sa isang kaibigan gaya ng South Korea.

Inihayag naman ni ­Inchouel na higit pang titibay ang relayon ng South Korea at Filipinas kasunod ng pagbisita ng Philippine Navy sa kanilang bansa.

US NAVY SHIP MAGLALAYAG SA SOUTH CHINA SEA

Samantala, ang USS Ronald Reagan ay sumunod na umalis sa Jeju Island pa­puntang South China Sea.

Ayon sa dalawang mi­yembro ng USS Ronald ­Reagan, sadyang inutos sa kanila ang pagpapatrolya sa karagatang sakop ng South China Sea para ipakita na nanatili ang freedom of navigation sa nasabing area.

Ang gagawing paglalakbay ng USS Ronald Reagan ay posibleng matataon sa gaganaping ACMEX 2018, ­kauna-unahang maritime exer­cise sa pagitan ng  China at ASEAN navies na gaga­napin sa Zhangjiang China.

Ikinuwento pa ng dalawang US Navy sa PILIPINO Mirror, sa kondisyong hindi na kailangan silang pangalanan, igigiit ng United States ang karapatan ng lahat ng bansa na maglayag dahil sa umiiral na freedom of navigation na ginagalang ng bawat bansa.

MARITIME EXERCISE SA CHINA

Maglalayag na rin nga­yon ang BRP Dagupan City lulan ang 300-man contingent papuntang Zhangjiang, China para sumabak din sa kauna-unahang maritime exer­cise na inorganisa ng Royal ­Singapore Navy at China na  gaganapin sa non-contested area kung saan tatagal ito ng pitong araw mula 21 hanggang 28 ngayong Oktubre.

Ayon kay Navy Public Information Office chief Commander Jonathan Zata, ang nasabing pagsasanay ay nakatutok sa maritime safety and search and rescue at pagtugon sa Code of Unplanned Encounter at Sea (CUES).   VERLIN RUIZ

Comments are closed.