TUMIRADA si Giannis Antetokounmpo ng season-high 50 points upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 128-119 panalo laban sa bisitang Indiana Pacers, Martes ng gabi at makumpleto ang four-game sweep sa season series.
Nagdagdag si Antetokounmpo ng 14 rebounds sa 17-for-21 shooting upang tulungan ang Bucks na putulin ang two-game losing streak.
Nag-ambag si Khris Middleton ng 19 points at 8 assists, at nagtala si Jrue Holiday ng 14 points at 8 assists. Tumipa si reserve Lindell Wiggington ng career-high 12 points.
Bumuslo ang Milwaukee ng mahigit 50 percent mula sa field sa ika-5 pagkakataon sa nakalipas na pitong laro, sa pagsalpak ng 48 sa 86 shots (55.8 percent).
Nanguna si Buddy Hield para sa Indiana na may 36 points at naipasok ang 8 sa 12 shots mula sa 3-point arc. Nakakolekta si Tyrese Haliburton ng 17 points at 8 assists para sa Pacers, na nalasap ang ika-7 sunod na pagkatalo.
CELTICS 135,
76ERS 87
Kumana si Jaylen Brown ng 29 points at 8 rebounds, nagdagdag si Jayson Tatum ng 28 points at 12 rebounds at dinispatsa ng Boston ang host Philadelphia.
Kumabig si Aaron Nesmith ng 18 points, umiskor si Grant Williams ng 12 at tumipa si Derrick White ng 11 para sa red-hot Celtics, na nanalo ng siyam na sunod. Gayunman ay nawala sa Boston si Marcus Smart dahil sa first-half ankle injury.
Muling naglaro ang Sixers na wala si James Harden, na kinuha noong Huwebes mula sa Nets. Sumalang sa kanyang debut si Paul Millsap, na hinugot din sa Brooklyn, at gumawa ng 9 points sa siyam na minutong paglalaro. Nagposte si Joel Embiid ng team highs na 19 points at 9 rebounds.
SUNS 103,
CLIPPERS 96
Kumamada si Devin Booker ng 26 points at tumapos si Chris Paul na may 17 points at 14 assists upang pangunahan ang Phoenix kontra bisitang Los Angeles.
Tumabo si Mikal Bridges ng 19 points at kumalawit ng 9 rebounds para sa Suns na nanalo ng ika-6 na sunod at ika-17 sa huling 18. Nagdagdag si Deandre Ayton ng 12 points at 12 rebounds.
Tumipa si Marcus Morris Sr. ng 23 points at nagdagdag si Nicolas Batum ng 18 points at 7 rebounds para sa Clippers, na natalo ng apat sa kanilang huling anim na laro. Nag-ambag si Reggie Jackson ng 14 points at 8 assists, at nagtala si Ivica Zubac ng 12 points at 13 rebounds.
Sa iba pang laro ay ginapi ng Timberwolves ang Hornets, 126-120 (OT); namayani ang Mavericks sa Heat, 107-99; pinataob ng Grizzlies ang Pelicans, 121-109; at kinalawit ng Hawks ang Cavaliers, 124- 116.