BUCKS BINOYKOT ANG GAME 5 VS MAGIC; 3 PLAYOFF GAMES KINANSELA

Jacob Blake

IPINAGPALIBAN ng NBA ang tatlong  playoff games na nakatakda kahapon kasunod ng desisyon ng Milwaukee Bucks na iboykot ang Game 5 ng kanilang Eastern Conference series laban sa Orlando Magic.

Bukod sa laro ng Bucks at Magic, inanunsiyo ng liga ang pagpapaliban sa mga laro sa pagitan ng Houston Rockets at ng  Oklahoma City Thunder, gayundin ng Los Angeles Lakers at ng  Portland Trail Blazers.

Ang hakbang ng Bucks ay bilang protesta sa pamamaril ng pulisya  kay Jacob Blake, isang Black man, sa Kenosha, Wisconsin, noong Linggo.

Si Blake ay malubhang nasugatan makaraang barilin sa likod ng pitong beses ng mga police officer sa isang pagtatalo na nakunan ng video.

“Myself and our players and our organization are very disturbed by what’s happening in Kenosha,” pahayag ni Bucks head coach Mike Budenholzer.

“It’s a great challenge to have an appreciation and a desire for change and to want something different and better in Kenosha and Milwaukee and Wisconsin and then go out and play a game.”

Nag-tweet din si Lakers superstar LeBron James ng statement na nananawagan ng racial justice.

“WE DEMAND CHANGE. SICK OF IT,” isinulat ni James sa Twitter.

Nilisan ng Magic, naghahabol sa  3-1 sa  best-of-seven, first-round series, ang court nang maging malinaw na hindi maglalaro ang Bucks.

Iniulat ng Athletic na nasa locker room ang mga player ng Bucks sinisikap na makausap si Wisconsin attorney general Josh Kaul. Tinukoy ang sources, sinabi ng  online publication na hindi tatanggapin ng  Magic ang pag-forfeit sa laro.

LAKERS, CLIPPERS AABANDONAHIN ANG NBA SEASON

Nagpasiya ang Los Angeles Lakers at Los Angeles Clippers na abandonahin ang NBA season bilang protesta sa pamamaril kay Blake.

Pawang iniulat ng ESPN, The Athletic at Yahoo Sports na isinusulong ng  Lakers at Clippers ang pagbasura sa 2019-2020 season dahil sa insidente.

Napagdesisyunan ng Lakers at Clippers na tapusin ang season sa isang emergency meeting ng lahat ng teams na nalabi sa NBA’s playoffs, na ginaganap sa Orlando, Florida.

Hindi pa malinaw kung paano magpapatuloy ang season kasunod ng pagpupulong noong Miyerkoles, o kung mananatili ang Lakers at Clippers — dalawa sa pinakamalakas na koponan sa Western Conference — sa  playoffs sa kabila ng desisyon na tapusin ang  season.

Comments are closed.