BUCKS NATAKASAN ANG RAPTORS SA OT

Bucks

HUMATAW si Giannis Antetokounmpo ng triple-double upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 104-101 overtime victory kontra Toronto Raptors nitong Miyerkoles.

Umiskor si Greek superstar Antetokounmpo ng 30 points, kumalawit ng 21 rebounds at nagbigay ng 10 assists, ang huli ay ang pasa para sa decisive 3-pointer ni Grayson Allen, may 11 segundo ang nalalabi, na naging tuntungan ng panalo ng Milwaukee.

“You can’t do it by yourself. You’ve got to trust your teammates, make plays for them,” wika ni Antetokounmpo.

“I’m trying to be aggressive… but at the end of the day everybody is sucking me in and the guy is open. That last play Grayson was wide open and I was able to get him the ball.”

Ito ang ika-31 career triple-double ni Antetokounmpo at ang ika-6 na pagkakataon na gumawa siya ng 30 points at 20 rebounds sa parehong laro — isang kabayanihan na ginawa isang gabi matapos na kumamada ng career-high 55 points sa isang panalo.

Nagmintis si Fred VanVleet, nanguna sa Toronto na may 28 points, sa isang potential tying 3-pointer.

Bulls 121, Nets 112

Umiskor sina DeMar DeRozan at Patrick Williams ng tig- 22 points at nagdagdag si Nikola Vucevic ng 21 points at 13 rebounds upang pangunahan ang Chicago kontra Brooklyn, 121-112.

Pinutol ng Bulls (17-21) ang 12-game win streak ng Nets. Kung nanalo ay tatabla sana ang bisitang Nets (25-13) para sa Eastern Conference lead sa Boston.

Sa halip ay magkasalo sila ng Bucks sa ikalawang puwesto.

Nasayang ang 44-point effort mula kay Brooklyn’s Kevin Durant at ang 25 points na kinamada ni Kyrie Irving.

Sa iba pang laro ay tumipa si James Harden ng 26 points at 8 assists habang nagdagdag sina Tobias Harris, De’Anthony Melton at Montrezl Harrell ng tig-19 points upang tulungan ang host 76ers sa 129-126 overtime win kontra Indiana.