BUCKS TUMIKLOP SA NUGGETS

Nikola Jokic

GUMAWA ng impresyon si Nikola Jokic at ang Denver Nuggets, pinataob si Giannis Antetokounmpo at ang Milwaukee Bucks, 129-106, sa duelo ng NBA conference leaders nitong Sabado.

Sa larong ipinalalagay na potential NBA Finals preview, umiskor si two-time at reigning NBA MVP Jokic ng 31 points, nagbigay ng 11 assists at kumalawit ng 6 rebounds, at nalimitahan ng Nuggets ang East leaders Milwaukee sa 40 second-half points.

Sinabi ni Jamal Murray, nagsalpak ng limang three-pointers at umiskor ng 26 points para sa Denver, na nagsimula ang lahat sa defensive end — at hindi lamang sa third quarter kung saan na-outscore ng Nuggets ang Bucks, 34-19.

“I thought we played great defense all game,” sabi ni Murray.

“We had a good start, even though they went on a run I thought we were consistent all game with our defense and we found transition points.”

Kumubra si Antetokounmpo, nagwagi ng MVP honors sa dalawang sunod na taon bago si Jokic, ng 31 points, subalit pito lamang sa second half.

Nets 129, Heat 100

Mahalaga ang third quarter sa Miami, kung saan na-outscore ng Brooklyn Nets ang Heat, 39-18, sa period tungo sa 129-100 panalo na naghatid sa kanila sa sixth place sa East.

Umiskor si Mikal Bridges ng 27 points, nagtala si Cam Johnson ng 23 at nag-ambag si Spencer Dinwiddie ng 15 para sa Brooklyn, na pinutol ang five-game losing streak na pansamantalang naglagay sa kanila sa posisyon para sa direct entry sa playoffs.

Nagposte si Max Strus ng 23 points mula sa bench para sa Miami, subalit hindi nakaiskor sa second half. Gumawa si Tyler Herro ng 23, subalit walang sagot ang Heat habang nagsimula ang Nets na mag-init sa second quarter.

Suns 125, 76ers 105

Pinutol ng Phoenix Suns ang three-game skid sa panalo kontra Philadelphia 76ers.

Nagbuhos si Devin Booker ng 29 points para sa Phoenix, na tabla sa kalagitnaan ng third quarter.

Lumayo sila sa huli, sa kabila ng 37-point performance mula kay Tyrese Maxey. Nagdagdag si Joel Embiid ng 28 points at 10 rebounds para sa Sixers, na natalo sa ikalawang pagkakataon matapos mabigo sa Golden State noong Biyernes.

Sa iba pang laro, kumamada si Kevin Huerter ng 27 points upang pangunahan ang Sacramento Kings sa 121-113 panalo kontra Utah Jazz.