BALIK ang Milwaukee Bucks sa NBA Finals sa unang pagkakataon magmula noong 1974 magkaraang mag-sanib-puwersa sina Khris Middleton at Jrue Holiday sa pagkamada ng 59 points sa 118-107 panalo kontra host Atlanta Hawks para tapusin ang Eastern Conference finals, 4-2, noong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Bagama’t naglaro sa ikalawang sunod na game na wala si injured Giannis Antetokounmpo, nakuha ng Bucks ang karapatang makasagupa ang Western champion Phoenix Suns sa best-of-seven na magsisimula sa Martes sa Arizona.
Tungo sa 51-21 record sa West, na angat ng limang laro sa 46-26 ng Milwaukee sa East, winalis ng Suns ang pares ng thrillers mula sa Bucks sa regular season, kung saan nagwagi ito sa 125-124 sa home Noong Feb. 10 at 128-127 sa overtime sa Milwaukee noong April 19.
Sa bisa ng mas magandang record sa regular season, ang Suns ang magkakaroon ng home-court advantage sa series. Ang Phoenix ay seeded second sa West, habang ang Milwaukee ay third sa East.
Ang dalawang koponan ay isang beses pa lamang na nagkita sa playoffs, noong ang Bucks ay isang Western Conference team pa. Seeded sixth, sinilat ng Milwaukee ang third-seeded Phoenix, 2-0, sa 1978 first-round, best-of-three series.
Sa Game 6 ay nanguna si Khris Middleton para sa Bucks na may 32 points – kabilang ang 23 sa isang explosive third quarter performance – habang tumapos si Jrue Holiday na may 27 points, 9 rebounds, 9 assists, at 4 steals.
Nakontrol ng Bucks ang laro sa third quarter sa likod ni Middleton na naitala ang lahat ng puntos ng koponan sa 16-4 run upang simulan ang second half. Kumana si Middleton ng 16 points sa loob lamang ng wala pang apat na minuto.
Nagbigay-daan ito para kunin ng Bucks ang 14-point lead, 63-47, na pinalobo nila sa 19, 91-72, sa pagtatapos ng period sa likod nina Middleton, na umiskor ng pito pang puntos sa third, at Holiday.
Nakahabol ang Hawks sa fourth quarter, salamat sa 12-2 run sa kaagahan ng period. Isa pang 7-0 blast kalaunan ang naglapit sa kanila sa anim na puntos, 107-101, matapos ang dunk ni Clint Capela.
Subalit kapwa sumagot sina Holiday at Middleton at nakakuha ang Bucks ng key baskets mula kina Brook Lopez at PJ Tucker, na nagsalpak ng isang three-pointer na naglagay sa talaan sa 116-106, may 1:02 ang nalalabi.
Apat pang Bucks ang tumapos sa double figures, sa pangunguna nina Lopez at Pat Connaughton, na umiskor ng tig-13 points. Nagdagdag si Bobby Portis, naging starter kapalit ni Antetokounmpo, ng 12 habang nagtala si Jeff Teague ng 11 points.
Ang Hawks ay pinangunahan ni Bogdan Bogdanovic na may 20 points.
Naglaro si Atlanta’s injured star Trae Young sa Game 6, subalit nahirapan sa halos lahat ng bahagi ng laro. Tumapos siya na may 14 points subalit bumuslo lamang ng 4-for-17 mula sa field at 0-for-6 mula sa three-point range.
Si Young ay nakatala bilang ‘questionable’ bago ang Game 6.
Samantala, si Antetokounmpo, ang two-time MVP ng Milwaukee, ay nagtamo ng knee injury sa Game 4 at lumiban sa huling dalawang laro ng serye na kapwa napagwagian ng Bucks.
Comments are closed.