DAHIL sa malawak na responsibilidad, kabilang na ang pagresolba sa patuloy na lumalalang problema sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, sa halip na tapyasan ay marapat na madagdagan pa ang pondo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ang mariing sabi ni House Minority Leader at 6th Dist. Manila Benny Abante, na hindi sang-ayon sa nabawas na P7.61 bilyon sa hinihinging pondo para sa susunod na taon ng nasabing ahensiya.
“As pointed out by our colleague in the Minority and the former MMDA chief, Marikina 1st District Rep. Bayani Fernando, the MMDA has an awesome responsibility and has to deal with monumental challenges, one of which is Metro Manila’s deteriorating traffic situation. Despite the supposed urgency of this problem, the MMDA’s budget was cut by 7.61 billion pesos and now must do with only 4.11 billion pesos.” Ang pahayag lider ng minorya sa Kamara de Representantes.
Ayon kay Abante, malaki ang epekto ng ‘budget cut’ na ito sa MMDA dahil madadamay ang inilaan na P700 milyong para sa ipatutupad sana na taas-sahod ng nasa 3,000 traffic enforcers nito.
Nabatid sa Manila lawmaker na sa ngayon ay umaabot lamang sa P9,000 buwanang sahod ng kada MMDA traffic enforcer at kung kakaltasan pa ito ng kontribusyon para sa government insurance system at iba pa ay maaaring nasa P8,000 na lamang ang kanilang ‘take-home pay’.
“That is not even minimum wage, and is a pittance, especially considering that they are tasked with the near-impossible task of managing traffic in Metro Manila.” Giit ni Abante.
Bunsod nito, hindi umano malayong ‘matuksong tumanggap ng suhol’ o kaya’y mangotong ang ilang tagapagmando ng trapiko.
Bukod dito, maaaring mawalan din ng gana ang MMDA traffic enforcers at hindi magampanan ng mabuti ng mga ito ang kanilang tungkulin, na ang resulta ay mas lalong pagsisikip sa daloy ng mga sasakyan.
“Hindi talaga makatarungan ang sitwasyon nila (traffic enforcers), and we hope that our pleas to increase the budget of the MMDA find receptive ears among our colleagues in the Majority.” Panawagan naman ng kongresista. ROMER R. BUTUYAN