(Noong Marso) BUDGET DEFICIT 3-MONTH HIGH SA P195.9-B

LUMAKI pa ang budget deficit ng bansa noong Marso, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa datos ng BTr, ang budget deficit ay nasa P195.9 billion, ang pinakamalaki magmula noong December 2023, subalit mas maliit ng 6.82% kumpara sa  P210.3 billion noong March 2023.

Ang government revenues para sa buwan ay nasa P287.9 billion, kung saan ang  tax revenues ay punalo sa P223.9 billion — P145.3 billion mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at P74.9 billion mula sa Bureau of Customs (BOC).

Ang non-tax revenues ay nasa P64.1 billion, tumaas ng 86.94% mula P34.3 billion noong nakaraang taon, kung saan ang share ng BTr ay tumaas ng 229.89% sa P49.1 billion.

“The significant increase for the month was primarily driven by higher dividend remittances, interest on advances from GOCCs, specifically from the National Irrigation Administration and the NG share from PAGCOR income,” ayon sa BTr.

Samantala, ang expenditures para sa buwan ay tumaas ng 3.18% sa P483.8 billion, kabilang ang P70.9 billion na halaga ng interest payments.

“While higher disbursements were recorded in departments/agencies, the growth of spending in March was weighed down by the lower subsidies to government corporations and transfers to local government units,” ayon sa ahensiya.

Tinukoy ng BTr ang mas maliit na subsidiya sa mga korporasyon tulad ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM), at ang paglilipat ng  P15-billion Coco Levy Funds sa Coconut Farmers and Industry Fund na inaasahan sa Abril, laban sa ipinalabas noong 2023 na ginawa noong Marso.

Ang latest figures ay nagdala sa year-to-date budget deficit sa P272.6 billion, mas malaki sa P270.6 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.