LUMIIT ang budget deficit ng bansa sa first half ng taon sa pagtaas ng revenues at pagbagal ng government spending, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa datos ng BTr, ang fiscal gap na P42.6 billion sa unang anim na buwan ng 2019 ay mas mababa sa P193 billion deficit na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang revenues ay tumaas ng 9.71 percent sa P1.547 trillion habang bumaba ang spending ng 0.83 percent sa P1.59 trillion mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Sinabi ng administrasyong Duterte na hahayaan nitong lumago ang budget deficit sa agresibong paggasta para sa mga proyektong pang-imprastruktura na magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Subalit sa pagkakaantala ng budget na umabot sa first quarter ng taon ay nalimitahan ang paggasta ng gobyerno.