LUMAKI ang budget deficit ng national government ng 96 percent sa unang 11 buwan ng taon kung saan nahigitan ng expenditures ang revenue growth, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Ang deficit ay pumalo sa P477.2 billion sa January-November period, mula sa P243.5 billion na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.
Ayon sa BTr, ang deficit hanggang noong katapusan ng Nobyembre ay bumubuo sa 91 percent ng P523.7-billion deficit program para sa taon.
Ang mas malaking paggasta kumpara sa katamtamang pagtaas sa revenue collection ay nakatulong sa fiscal gap.
“This is what this government is set out to do, so this is expected,” wika ni Union Bank of the Philippines chief economist Ruben Carlo Asuncion.
Ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nagtakda ng budget deficit ceiling na 3 percent ng gross domestic product (GDP) ngayong taon upang lumikha ng sapat na fiscal space para sa ‘Build Build Build’ infrastructure program ng pamahalaan.
“The higher budget deficit will not be bad if it translates to actual growth. It will be bad if not,” paliwanag ni Asuncion.
Ang total expenditures sa unang 11 buwan ng taon ay tumaas ng 24 percent sa P3.095 trillion mula sa P2.493 trillion year-on-year, habang ang government revenue ay umabot sa P2.618 trillion, mas mataas ng 16 percent sa P2.250 trillion.
Ang koleksiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay bumubuo sa lion’s share na P1.801 trillion ng revenue, mas mataas ng 11 percent sa P1.621 trillion.
Nag-ambag naman ang Bureau of Customs (BOC) ng P538.5 billion, mas mataas ng 30 percent kumpara sa P413.1 billion.