BUDGET DEFICIT NG PH LUMIIT (P47.8-B noong Hulyo)

BTr

BUMABA ang budget deficit ng bansa ng 45 percent sa kabila ng mas mataas na paggasta noong Hulyo, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sinabi ng BTr na ang budget deficit ay bumaba noong Hulyo sa P47.8 billion mula P86.8 billion noong nakaraang taon sa likod ng 33.4 percent na pagtaas sa revenue collection laban sa 16.22 percent na pagtaas sa paggasta ng pamahalaan.

Dahil dito, ang fiscal performance sa January-July 2023 period ay gumanda kung saan lumiit ang budget deficit ng 21.22 percent, o P161.5 billion, sa P599.5 billion mula sa P761 billion gap sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, tumaas ang revenue collection sa P411.7 billion noong Hulyo, lumago ng 33.4 percent, o P103.4 billion mula July 2022. Ito’y sa likod ng mas mataas na tax at non-tax collections noong Hulyo ng kasalukuyang taon.

“The positive outturn for the month drove the YTD (year-to-date) collection to PHP2.3 trillion, reflecting an 11.58 percent or PHP235.7 billion increase over last year’s comparable performance,” ayon sa BTr.

Ang mga buwis ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng koleksiyon ng national government sa 88.74 percent at ang nalalabing 11.26 percent ay non-tax revenues.

Ang net collection ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong July 2023 ay tumaas ng 38.37 percent year-on-year sa P273.1 billion, makaraang maibawas ang P186 million tax refund.

Year-to-date, ang BIR collection ay tumaas ng 12.21 percent sa P1.5 trillion hanggang katapusan ng Hulyo ngayong taon.

Nakapag-ambag din ang BTr sa revenue collection ng national government noong July 2023, kung saan ang income mula sa national treasury ay tumaas ng P50.8 billion mula P13.4 billion noong nakaraang taon.

Ayon sa Treasury, naiposte nito ang pinakamataas na monthly collection ngayong taon noong Hulyo.

“BTr’s collection for the seven-month period consequently rose to PHP143.8 billion, 22.4 percent or PHP26.3 billion higher than the 2022 comparable performance and has already exceeded the full-year target of PHP58.3 billion largely due to higher dividend remittances, income from managed funds and government deposits, as well as NG share from PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corp.) profit,” dagdag pa ng ahensiya.

Tumaas din ang paggasta ng pamahalaan noong Hulyo sa P459.5 billion mula P395.4 billion sa kaparehong panahon noong 2022.

Pangunahing dahilan sa mas mataas na paggasta noong Hulyo ay ang tumaas na disbursement sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa social protection programs nito, sa Department of Health (DOH), at sa Department of Agriculture (DA) para sa kanilangb banner health at agriculture programs, ayon sa pagkakasunod.

-(PNA)