BUDGET SA SCHOOL-BASED FEEDING PROGRAM DINOBLE SA 2024

feeding program

BINANSAGAN ni House Deputy Speaker at Batangas 6th Dist. Rep. Ralph Recto na “supersized” ang tatanggaping pondo ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapatupad ng ‘School-Based Feeding Program’ sa susunod na taon.

Ayon sa ranking House official, base sa nilalaman ng 2004 National Expenditure Program (NEP) na isininumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara kamakailan, mula sa P5.68 billion ay magiging P11.71 billion ang ilalaan sa naturang programa ng DepEd.

Ani Recto, bukod pa rito ang nakasaad sa panukalang P5.76 trillion na 2024 national budget na P4.1 billion para naman sa ‘Supplementary Feeding Program’ na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kaya naman sa kabuuan, ninanais, aniya, ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglaan ng kabuuang P15.8 billion sa susunod na taon, mas mataas ng P5 billion kumpara ngayong taon, para sa implementasyon ng child feeding program nito.

“The increase is unprecedented,” sabi ng House Deputy Speaker.

“Never has the budget for child feeding been supersized to this big. On this, the government has put its money where its mouth is,” dagdag pa niya, Sa pagkukuwenta ni Recto, gamit ang 2023 costing, ang P15.8 billion na ito ay katumbas ng 857 million na masustansiyang pagkain na maaaring maihain sa mga bata ng dalawang nabanggit na ahensiya ng pamahalaan.

“(The) costing for 2024 might still be adjusted to inflation, but it will not change the fact that the two agencies will have in their hands a big catering operation next year”. Sabi ng Batangas lawmaker.

-ROMER R. BUTUYAN