NANINIWALA ang Joint Task Force COVID Shield na magsilbing ‘blueprint’ sa pagbuhay muli ng turismo ang Tagaytay City makaraang buksan ito sa mga Metro Manila tourist at mga kalapit lalawigan.
Kasabay nito, nakipag ugnayan kahapon si P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, Commander ng JTF COVID Shield kay Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino para talakayin ang mga hakbangin at plano sa pangangalaga at pagkontrol sa galaw ng mga turista upang matiyak na mapapanatili ang kaligtasan ng mga local resident at mga bisita laban sa coronavirus infection sa muling pagbubukas ng Tagaytay City sa mga turista.
“Since Tagaytay City is the first Local Government Unit (LGU) which opened its borders for tourists across the country, Mayor Agnes Tolentino and I both agreed to put things in order to ensure that the local police and the City Government will not be overwhelmed by the possible influx of tourists in the coming days,” ani Eleazar.
At sa pakikipag-ugnayan kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Philippine National Police Chief Camilo Pancratius Cascolan, mas pinaigting ng Joint Task Force COVID Shield at City Government of Tagaytay ang pagpapatupad ng travel at quarantine protocols.
Layon nito, matiyak na ang travel at iba pang quarantine protocols na ipinatutupad ay tugma sa alituntunin ng National Task Force on COVID-19 na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana habang ipinauubaya sa mga LGUs ang pagpapasya kung paano nila muling pauunlarin ang kanilang ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Binigyang diin ni Eleazar, ang muling pagbubukas ng Tagaytay City ay nangangahulugan na maari nang maka bisita o dumayo ang mga tao mula sa ibang bahagi ng bansa ng walang travel authority maliban sa mga naninirahan sa lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) o mas mataas na community quarantine status.
“Local tourists who would come from areas under the general community quarantine (GCQ), modified enhanced community quarantine (MECQ) and enhanced community quarantine (ECQ) are still required to secure a Travel Authority,” giit ni Eleazar.
Iginiit nito, tanging ang mga nagmula sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ) o walang community quarantine status ang pinapayagang pumasok sa Tagaytay City nang hindi na kailangan pa ng travel authority.
Gayundin, nilinaw ni Tolentino na mahigpit pa rin nilang ipinatutupad ang health safety protocols sa kanilang lugar kagaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at pagpapa iral ng tamang physical distancing. VERLIN RUIZ
Comments are closed.