BULACAN GOV’T UMAYUDA NA RIN SA TAAL VICTIMS

Daniel R. Fernando

BULACAN – NASA 5,000 na food packs lulan ng apat na truck at P1 milyon ang personal na dinala at iniabot ni Gobernor Daniel R. Fernando kay Batangas Gobernor Herminaldo Mandanas para sa mga residenteng biktima ng pagsabog ng Taal Volcano.

Ganap na alas-12:00 ng tanghali nang duma­ting sa Peoples’ Manssion ang convoy ng Bulacan governor kasama ang PDRRMO, PEO, at PSWDO, labis naman ang tuwa ni Mandanas sa ibinigay na tulong ng Bulacan.

Ayon naman kay Fernando, ang tulong ng lalawigan, ay bahagi ng pakikipagkapwa-tao, dahil noong lumubog sa baha ang Bulacan sa Ondoy noon, ang  Batangas ang unang naghatid ng tulong sa mga Bula­kenyo.

Kasabay nito ay dumating din ang dalawang truck ng Depatment of Public Works and Highways (DPWH), isang van, at isang pick up na puno ng relief goods, biscuits, tubig damit at iba pa mula naman sa Daet, Camarines Norte.

Habang sa Batangas Sports Complex duma­ting ang dalawang truck ng bumbero at dalawang maliit na sasakyan na may dalang food packs mula naman sa isang Non-Governmemt Organization sa lungsod ng Caloocan.

Karamihan ng nabigyan ng tulong sa evacuation center ay inilikas mula sa Agoncillo, Lemery at San Nicolas, Batangas.

Ayon naman kay Nanay Adoracion Pa­nganiban, 51-anyos, mula sa bayan ng Agoncillo, bastante sila sa suporta ng pamahalaan ng Batangas, at nagpasalamat din siya at ang kanyang pamilya ay nakatanggap ng tulong mula sa Bulacan.

Aniya, problema lamang nila ay kung kailan sila makababalik sa normal na buhay, dahil mistulang ghost town na ang kanilang lugar dahil sa tindi ng pinsalang inabot mula sa pagsabog ng bulkan. THONY ARCENAL

Comments are closed.