BULLS SINUWAG ANG LAKERS

TUMAPOS si DeMar DeRozan na may game-high 27 points at nag-ambag si Coby White ng 17 upang pangunahan ang walong scorers sa double figures at bitbitin ang host Chicago Bulls sa 124-108 panalo laban sa Los Angeles Lakers nitong Miyerkoles.

Ipinalasap ng Chicago sa Los Angeles ang ikatlong sunod at ika-4 na kabiguan nito sa limang laro sa likod ng 54.5 percent shooting, kabilang ang 52.9 percent effort mula sa deep.

Lumamang ang Bulls ng hanggang 18 points at binalewala ang triple-double ni LeBron James para sa Lakers. Nagsalansan si James ng 25 points, 10 rebounds at 9 assists. Nagdagdag si Austin Reaves ng 21 points, habang nagposte si Anthony Davis ng double-double na 19 points at 14 boards.

Nalimitahan ng Chicago ang Lakers sa krusyal na sandali para sa ika-7 kabiguan sa 10 games.

Nag-ambag si DeRozan ng 9 sa 25 assists ng Bulls na sinamahan ng 7 rebounds. Nagposte si Nikola Vucevic ng double-double na 13 points at 10 rebounds, habang gumawa rin sina Patrick Williams (15 points), Alex Caruso (15), Ayo Dosunmu (14), Andre Drummond (11) at Jevon Carter (10) ng double figures.

Bumuslo ang Lakers ng 44.7 percent at 12-for-37 lamang mula sa 3-point range.

Nagdagdag si Taurean Prince ng 16 points para sa Lakers, habang tumipa si Cam Reddish ng 13.

Heat 115,

Magic 106

Nagbuhos si Tyler Herro ng 28 points upang pangunahan ang pitong scorers sa double figures at kumana ang bisitang Miami Heat ng 15 3-pointers sa panalo kontra Orlando Magic.

Tumabo si Bam Adebayo ng 18 points at nagdagdag si Haywood Highsmith ng season-high 15 para sa Miami, na lumamang ng hanggang  24 at pinutol ang nine-game home winning streak ng Orlando.  Umiskor sina Josh Richardson, Duncan Robinson at Thomas Bryant ng tig-12 points, at nagposte si Jaime Jaquez Jr. ng 10.

Nag-ambag si Herro ng 8  rebounds at 7 assists habang bumuslo ng 10-for-17 mula sa field, kabilang ang 4-for-5 mula sa 3-point range.

Nanguna si Cole Anthony para sa Orlando na may 20 points mula sa bench.  Nagdagdag si Franz Wagner ng 15 points, tumipa sina Jalen Suggs at Moritz Wagner ng tig- 11 at tumapos si Paolo Banchero na may 10 points sa 2-of-12 shooting.

76ers 127,

Timberwolves 113

Humataw si Joel Embiid ng 51 points at 12 rebounds upang pangunahan ang host Philadelphia 76ers sa panalo laban sa Minnesota Timberwolves.

Ito ang ika-12 sunod na laro na may hindi bababa sa 30 points at 10 rebounds si Embiid, ang pinakamahabang streak matapos ni Kareem Abdul-Jabbar noong 1971-72. Nagtala rin si Embiid, nagsalpak ng 17 of 18 free throws, ng hindi bababa sa 40 points at 10 rebounds sa ikatlong sunod na laro. Naiposte ni Embiid ang kanyang ikalawang laro na may 50 o higit pang puntos ngayong season at ang ika-7 sa kanyang  career. Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 35 points para sa Philadelphia.

Nanguna si Anthony Edwards para sa Timberwolves na may 27 points, habang nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng  23 points at 13 rebounds.  Umiskor si Jaden McDaniels ng 21 points.