NAKAHANDA na ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEAD) at Philippine National Police (PNP) na tumalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na wasakin ang lahat ng ebidensiya ng droga na nakumpiska sa mga operasyon sa loob ng isang Linggo.
“Relative to this, we are following up on the issuance of Court Orders for destruction of these pieces of drug evidence pursuant to Office of the Court Administrator (OCA) Circular 118-2020 issued by the Supreme Court Administrator,” ayon kay PDEA Information Director Derrick Carreon.
Ani Carreon, alinsunod din ito sa isinagawang pagdinig ng Senado na kung saan kanilang hiniling sa kalihim ng Department of Justice na maglabas ng guidance kaugnay sa pagtanggi ng ilang prosecutors na galawin ang mga ebidensiya o kaya ay paboran ang mosyon ng PDEA na magsagawa ng ocular inspection, pagkuha ng representative samples at pagpapalabas ng court order para sirain ang archived cases o cases under automatic review na tumutukoy sa humigit kumulang na 540.6 kilograms ng shabu.
Kaugnay nito, inihayag ng PDEA na sa susunod na Linggo ay posibleng umabot sa isang toneladang shabu ang kanilang susunugin.
Samantala, sinabi naman ni PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan, kayang nilang wasakin sa loob lang ng isang linggo ang mga nakukumpiskang ilegal na droga.
Sa ginawang public address ng Pangulo, sinabi nito na dapat agad nawasak ang mga nakukumpiskang shabu sa mga operasyon para maiwasan ang pagre-recycling.
Binigyang diin naman ni PNP spokesman Col. Ysmael Yu, nagtatagal lamang naman ang proseso kapag ginagamit bilang ebidensiya sa korte ang mga nakukumpiskang ilegal na droga bilang criminal procedures.
Base sa ulat, nitong kamakalawa lamang ay aabot sa 6 na kilo o tinatayang nasa P45 milyon ang halaga ng droga na nakumpiska sa Cebu City. At nitong weekend, nasa P4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa buy-bust operation sa Caloocan City at habang nito namang katapusan ng Setyembre ay mayroong P24 milyon na halaga ng shabu na nakumpiska sa Bacolod City. VERLIN RUIZ
Comments are closed.