(Bumalik sa P56:$1 level)PISO NAKABAWI KONTRA DOLYAR

PISO-DOLLAR-3

MATAPOS ang limang sunod na araw na pagbulusok sa record lows kontra US dollar, nakabawi ang piso nitong Biyernes at bumalik sa P56:$1 level.

Ang local currency ay lumakas ng 36 centavos upang magsara sa P56.82:$1 mula sa P57.18:$1 noong Huwebes, ang ika-5 sunod na araw ng trading day na bumagsak sa all-time lows.

Ang sunod-sunod na paghina ng piso kontra dolyar noong mga nakaraang araw ay bunsod ng interest rate hike na ipinatutupad ng Amerika para kontrolin ang nararanasan nitong inflation.

Inilarawan ni Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort ang paglakas ng local unit bilang “healthy correction” matapos ang “healthy downward correction of the US dollar versus major global currencies recently, as well as some measures by some Asian central banks to stabilize their respective local currencies after the recent increase in the US dollar amid hawkish signals from the Fed and the European Central Bank.”

Ayon kay Ricafort, ang pagsasara ng piso nitong Biyernes ang pinakamalakas sa linggong ito.

Sinabi naman ni Security Bank chief economist Robert Dan Roces na ang pagbawi ng local currency ay dahil sa bahagyang paghina ng US dollar.

Magmula nang mag-umpisa ang 2022, ang piso ay humina kontra dolyar ng P5.821 o 11.4% mula sa P50.999:$1 noong katapusan ng 2021.