NANANAWAGAN ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na i-revoke o bawiin ang lisensya ng driver ng kotseng nagtangkang tumakas dahil sa pagdaan sa ESDA Busway.
Ito ay matapos ang ginawa nilang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente kamakalawa ng umaga.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, batay sa kuha ng CCTV footage mula sa MMDA Metrobase, pinatatabi na ng nakamotorsiklong traffic auxillary na nakilalang si Enforcer Jefferson Villaruel ang kotse dahil sa labas-masok ito sa busway.
Pero sa halip na sundin ang naninitang enforcer ay binangga pa ng Honda Civic na minamaneho ni Mark Anthony Bagtas ang motorsiklo at agad na kumaripas ng takbo hanggang sa masukol ng mga tropa ng MMDA at bumangga sa concrete barrier.
Ayon sa driver ng kotse, inamin nitong naka-inom siya ng alak subalit mariin nitong itinatanggi na dumaan siya sa busway.
Maliban sa pagbawi ng lisensya, mahaharap din sa reklamong damage to property at physical injury ang naturang driver. EVELYN GARCIA