BUONG LUZON INILAGAY SA STATE OF CALAMITY

Delfin Lorenzana

NAPAGKASUNDUAN kahapon sa isinagawang full council meeting ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong rehiyon ng Luzon.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, NDRRMC chairman na layon nitong mapabilis ang recovery ng mga apektadong lalawigan at  agad na maka­bangon ang ekonomiya sa mga nasalantang lugar.

Dahil sa magkakasunod na kalamidad dulot ng Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses, nagpulong ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na nakapa-loob sa NDRRMC upang talakayin  ang lawak ng sinalanta ng nasabing mga bagyo.

Sa nasabing pulong, inatasan ni Lorenzana ang PAGASA na balikan ang kanilang historical data para mapalakas ang pagbibigay babala bago pa ang weather disturbances .

Tinalakay din sa pagpupulong, kung sino ang mga reponsable sa pagbibigay babala sa mga residente hinggil sa posibleng epekto ng paparating na bagyo at sistema sa pagpapalikas.

Partikular na pinag-usapan ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam na sinisisi sa malawakang pagbaha at kakulangan ng sistema sa pag-bibigay babala sa mga residente na naipit sa hindi inaasahang pagtaas ng tubig.

Sa ulat ng NDRMMC, mahigit 83,000 katao ang nasagip, inilikas at natulungan sa Cagayan at Isabela sanhi ng matinding pagbaha bunsod ng magkakasunod na bagyo na tumama sa Pilipinas.

Kinumpirma rin ni NDRMMC spokesperson Mark Timbal, nito lamang Linggo nila nabatid ang tunay na sitwasyon sa i­lang bahagi ng Cagayan Valley region dahil sa na-delay sa pagbibigay ng impormasyon dahil hindi kaagad pinayagang pumasok ang media, private sector at maging ang government officials mula sa labas ng nasabing lalawigan dulot ng mahigpit na border control laban sa pandemya.

Gayunpaman, iginiit ni Timbal na hindi sila nagpabaya sa pag-alerto dahil ilang beses din silang naglabas ng mga babala hinggil sa posibilidad ng mga pagbaha sa dalawang probinsiya.

Aniya, inabisuhan din nila ang local government units (LGUs) na gamitin ang kanilang communication network.

Nanindigan si Timbal na palaging inaabisuhan ng NDRRMC ang LGUs na tinamaan ng bagyo na magsagawa ng preventive evacuation. VERLIN RUIZ

Comments are closed.