3 ‘HITMAN’ NI VM YUSON NALAMBAT; BUONG PUWERSA NG BATUAN MPS WINALIS NI GEN. ESCOBAR

hitman

MASBATE – INARESTO ng Regional Mobile Group ang mga hinihinalaang hitman na umano’y ginagamit nina Mayor Charmax at ng kanyang amang si Vice Mayor Charlie Yuson para maghasik ng takot sa mga botante ng kanilang kalaban sa politika sa bayan ng Batuan.

Ang mga nadakip at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms dahil sa paglabag sa RA 10591  na may kinalaman sa Comelec gun ban ay sina Florendo Cañares y Palima, Ace Bayron Funilas y Alegre at Eddie Bailon y Parabas, pawang mga kilalang kilabot na tauhan ng mag-amang Yuson na madalas ireklamo ng mga residente.

Narekober ng mga miyembro ng 5th RMG na naka base sa Brgy. Cañares ang tatlong kalibre .45 na baril at mga bala mula sa mga suspek sa loob ng sabungan habang inieskortan umano nila ang bise alkalde.

Ayon sa joint affidavit of Arrest nina Pat. J P. Peñalosa at Pat Daet Herven Longasa nadakip nila ang mga suspek matapos inguso ng ilang mga concerned citizen na may mga armadong kalalakihan sa loob ng sabungan.

Nabatid na ilang oras bago ang pangyayari, ay inireklamo na ang bise alkalde ng pambubugbog ng  isang habal-habal drayber na si Lorenzo Tranghia alyas “Maluluyon” kung saan tinutukan pa umano ito ng baril ng isa sa tatlong suspek na kasama ng pa­ngalawang alkalde.

Hindi umano nabigyan ng aksyon ng mga pulis na nakatalaga sa Batuan MPS at nang makarating sa kaalaman ni PNP Regional Director Arnel Escobar ay sinibak ang nasabing mga puwersa.

Kinumpirrma rin ng Camp Simeon Ola Legazpi City ang radio message na sinibak lahat ng 19 na pulis na nakatalaga sa naturang bayan kabilang ang kanilang hepe na si P/Capt. Glen D. Alumit at pinalitan ng mga bagong pulis sa pangunguna ni P/Major Rustom A. Dela Torre mula sa Masbate Provincial Police Office (PPO).

Ang mga nadakip na iniharap ng Regional Mobile Group (RMG) kay Asst. Prov’l Prosecutor Ferdinand A. Alforte sa kasong paglabag sa Violation of RA 10591 sa ilalim ng NPS No. V-12-INQ-19D-03578 ay sina Florendo Cañares y Palima, Ace Bayron Funilas y Alegre at Eddie Bailon y Parabas, pawang mga kilalang tauhan nina ng mag-amang Yuson.

Itinurn-over din ng RMG sa piskalya ang nahuling mga baril na tatlong 45 kalibre pistola na pawang may mga lamang bala na ang dalawa rito ay may serial no. na 7003321 at 051682. DB

Comments are closed.