ILANG linggo na lang ay magsisimula na ang pagdaraos ng FIBA World Cup 2023 sa ating bansa kaya naman hindi na kataka-taka na marami sa atin ay nasasabik na para sa makasaysayang kaganapan na ito.
Noon pa man ay makiki- ta na sa ating mga lansangan ang pagmamahal ng Pilipinas sa basketbol — mula sa mga batang naglalaro sa kanto hanggang sa katanyagan ng laro sa ating bansa. Sa katunayan, higit pa sa isang laro para sa maraming Pinoy ang basketbol. Bahagi na ito ng ating kultura at araw-araw na pamumuhay.
Ngayong nalalapit na ang pagdaraos ng FIBA World Cup sa ating bansa, nararapat lamang na manguna tayong mga Pinoy sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa basketbol sa pamamagitan ng pagsuporta sa Gilas Pilipinas at pagtutulungan para maging maganda ang karanasan ng ating mga dayuhang bisita.
Handang-handa na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) pati na rin ang ating pamahalaan para ipakita hindi lamang ang galing ng ating koponan kundi pati na rin ang tanyag na kabutihang-loob o hospitality nating mga Pinoy sa mga dayuhang manlalaro, opisyal, at tagahanga ng iba’t ibang bansa na kalahok sa FIBA.
Ang SBP ang National Sports Association para sa basketbol sa bansa at kinikilala rin ito ng International Basketball Federation (FIBA), Philippine Sports Commission, and Philippine Olympic Committee mula taong 2007.
Higit pa kasi sa pagsuporta sa ating Gilas Pilipinas, magandang pagkakataon ang nalalapit na torneo para sa paglago ng ating turismo at para ipakita at ipadanas ang ganda at saya ng ating kultura sa mga dayuhang bibisita sa ating bansa.
Sa katunayan, masuwerte tayong mga Pinoy dahil inilapit na sa atin ang mga laro ng ating minamahal na Gilas Pilipinas kaya naman ay nararapat lang na sulitin nating lahat ito.
Magtungo tayo sa mga laro ng Gilas Pilipinas at buong puso nating ipakita ang ating suporta sa kanila.
Matatandaang nauna nang nanawagan noong nakaraang buwan si SBP President Al Panlilio, na siya ring Second Vice President ng FIBA Asia Board, para sa suporta nating mga Pinoy para sa Gilas Pilipinas.
“We’re praying for the good health and safety of all the players, coaches and everyone involved with Gilas Pilipinas. This is our national team, and they are all committed to give their utmost best as they go up against the best players in the world,” aniya.
Matagal at mabusisi ang naging paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa World Cup kaya naman tiyak na hindi tayo magsisisi sa pagsuporta sa ating koponan. Sunod-sunod na pagsasanay at mga tune-up match ang ginawa at patuloy na ginagawa ng Gilas bilang paghahanda sa nalalapit na mga laro nito.
Magandang balita rin para sa Gilas ang paglahok ng NBA player na si Jordan Clarkson. Malaking dagdag si Clarkson sa pagpupursige ng Gilas na maging best Asian team sa World Cup para makapag-qualify sa 2024 Paris Olympics. Bukod kay Clarkson, tiyak na magdadala rin ng karangalan sa ating bansa ang iba pa nating mahuhusay na manlalaro gaya nina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Ange Kouame, Scottie Thompson, Chris Newsome, at Bobby Ray Parks Jr.
Tunay na kapana-panabik ang nalalapit na torneo dahil kitang-kita ng lahat ang de- dikasyon at pagsisikap hindi lamang ng mga manlalaro ng Gilas Pilipinas kundi pati na rin lahat ng opisyal at sektor na tumutulong para makamit ang tagumpay ng ating koponan.
Dati nang nabansagan na ‘basketball country’ ang Pilipinas kaya huwag natin sayangin ang pagkakataon na ipakita ang pagmamahal natin sa larong ito sa nalalapit na FIBA World Cup. Magsama-sama tayong sumuporta sa Gilas Pilipinas.
Makakaasa kayo na sa darating na World Cup, kaisa ako ng Gilas Pilipinas, SBP, at ng lahat ng Pilipinong nagmamahal sa basketbol sa pagpalak-ak at pagsigaw para sa ating koponan.
Naniniwala ako na lahat ng paghahanda at pagsasakripisyo ng iba’t ibang sektor katuwang ang suporta ng bawat isa sa ating mga Pinoy ay magsisilbing inspirasyon para sa ating Gilas Pilipinas upang magtagumpay at ipakita ang tunay at natatanging galing ng ating lahi sa makasaysayang kaga- napang ito.