PINANGUNAHAN ng Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang makasaysayang paglalagay ng kauna-unahang boya (buoy) at flag marker sa pinakamababaw na bahagi ng Benham Rise.
Matapos na opisyal na angkinin ng Pilipinas ang karapatan sa Benham Rise, na ngayon ay tinatawag na Philippine Rise na deklaradong isa nang ga-nap na marine protected sanctuary, ay pinangunahan ng DND at AFP ang paglalagay ng kauna-unahang boya o floating marker gayundin ang pag-lulubog ng flag marker sa pinakamababaw na bahagi ng Benham Bank.
Martes ng gabi umalis na patungong Philippine Rise ang mga scientist at research team lulan ng BRP Davao del Sur matapos ang send-off ceremo-ny na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ang ceremonial casting ng unang boya sa Philippine Rise ay nagkakaroon ng flag raising ceremony sa BRP Tarlac (LD601) kasama ang lahat ng stakeholders, Local Government Units (LGUs) at Northern Luzon Command (Nocom) sa pangunguna ni Ltgen. Emmanuel Salamat. Kasunod nito ang flag marker laying kung saan mahigit 100 volunteer Filipino divers ang sama-samang sumisid sa Benham Bank habang iwawagayway ang mga watawat ng Pilipinas sa ilalim ng tubig.
Lumipad din sa paligid ang mga aircraft ng iba’t ibang ahensiyang nagsasagawa ng Maritime Air Patrol habang tinutugtog ang pambansang awit na Lupang Hinirang.
Ang paglalagay ng boya sa ibabaw ng flag marker na nailubog sa Benham Bank ay simbolo na pag-aari at saklaw ng soberanya ng Pilipinas ang nasabing continental shelf na kinilala mismo ng United Nations na pag-aari ng Pilipinas.
“Ito ay pag-aari natin, na kumbaga ay nilalagyan natin ng bakod na hindi puwede na kahit sino ay papasok dito at mag-aangkin nitong lugar na ito,” paliwanag ni Defense Undersecretary Cardozo Luna.
“Hindi natin makakaila na ‘yung geopolitics dito sa atin very volatile. Maraming maaaring mangyari. Ang tawag dito kumbaga sa chess, unahan. Nauna na tayo rito. Hindi na kayo puwedeng pumunta rito. Nandito na kami,” dagdag pa ng opisyal.
Ang boya ay nadisenyo batay sa international standards at ginawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). VERLIN RUIZ
Comments are closed.