BUREAU OF IMMIGRATION HANDA NA SA CUARESMA

Bureau-of-Immigration

PASAY CITY – INALERTO ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga tauhan sa mga paliparan sa buong bansa, bilang antisipasyon sa pagdagsa ng mga pasahero na magsisiuwi sa kanilang mga probinsiya sa paggunita ng Semana Santa.

Bilang preparasyon, nagtalaga si BI Commissioner Jaime Morente ng 50 Immigration Officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lalo na sa mga counter ng Arrival at Departure area sa mga Premier port.

Kasabay na ipinag-utos ni Morente sa Port Operations Division (POD) sa NAIA na higpitan ang screening sa mga paparating maging ang papaalis na mga pasahero,  para sa seguridad ng mga ito at mase­guro na hindi kukulangin ang kanilang man power sa mga airport.

Bilang pagsunod sa kautusan ni Morente naglabas ng derektiba ang POD na layong ipag­bawal sa mga terminal heads, at duty supervisor na mag-leave mula Abril 8 hanggang 22.

Inatasan din ang mga tauhan ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) at Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng Bureau of Immigration na maging alerto sa panahon ng Holy Week.

Ayon kay Morente, ang TCEU at BCIU personnels ang siyang tumatayong frontline officers sa mga paliparan at nakasalalay sa kanilang mga kamay ang monitoring lalo na sa mga arriving alien passengers para mapigilang makapasok sa bansa ang undesirable aliens.

Dagdag pa nito, itong mga taga-TCEU at BCIU ang magsisilbing lookout sa mga pinaghihinalaang human trafficking victims, at pigilan upang hindi makalabas sa mga airport.

Samantala, nagtalaga si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ng “help desk” sa tatlong terminal, kabilang na ang 2, 3, at 4 para tumulong sa mga departing passenger pauwi sa kanilang mga probinsiya.

Kasabay na sinuspinde ni Monreal ang mga vacation leave ng kanyang mga tauhan upang makatulong at maprotektahan ang seguridad ng mga pasahero sa mga mapagsamantala o scrupolous elements sa NAIA. FROILAN MORALLOS

Comments are closed.