BUSINESS LEADERS TUTOL SA 100% FOREIGN OWNERSHIP NG LUPAIN AT MGA INDUSTRIYA

ni Ma. Luisa Macabuhay-Garcia

TUTOL  ang ilang business leaders sa panukala ng Kamara sa 100% ownership o posibleng pagmamay-ari ng mga lupain sa Pilipinas at ibang industriya sa bansa ng mga foreign investor bilang pagpapaluwag ng “restrictive economic provisions”sa isinusulong ng mababang kapulungan sa panukala nitong pag -amyenda sa 1987 Constitution o ang tinaguriang kontrobersiyal na Charter Change o Cha-cha.

Sa isang panayam, sinabi ni Christopher Go, Presidente ng Manila Metro Premier Pro Humanity Eagle Club, matapos ang induction ceremony at anibersaryo ng kanilang samahan ng linggong ito, na hindi siya sang ayon sa panukalang ito ng mga mambabatas lalo na sa mababang kapulungan dahil maaari umanong makompromiso nito ang soberanya ng Pilipinas at ang food security ng bansa.

Posible umanong makamkam ng mga naturang foreign investors ang mga lupain ng Pilipino sapagkat may kakayahan silang bumili nito lalo na ang mga agricultural lands na puwedeng magdulot ng higit pang banta sa food security ng bansa.”Agricultural country tayo, posibleng mabili nila ang mga lupain na yan,”ayon kay Go.

“There are pros and cons to both sides.Yes, we infuse more investments.But what it earns goes out of the country as well,”sabi ni Go, habang ipinagdiinan na iuuwi rin naman umano alng mga banyaga ang kanilang kikitain mula sa Pilipinas patungo sa kanilang bansa.

“Syempre kung sino ang nagmamay ari siya na ang me control, mas magiging makapangyarihan (kaysa sa mga Pilipino) at masusunod,”ayon kay Go.

Sa gitna ng kanyang pagpapahayag ng pagkabahala sa panukalang ito, sinabi niyang ang isa sa talagang posibleng ugat ng pagkawala ng gana ng mga foreign investors sa Pilipinas ay ang mga pagbabago bago ng patakaran nito at pagiging magulo sa pagpapatupad ng polisiya ng pamahalaan.

Ibinigay niyang halimbawa ang kanilang karanasan ng kanyang kompanya sa Valenzuela City tungkol sa zoning policy kung saan ay dating itinuturing na industrial zone ang kinalalagyan ng kanilang warehouse.Kalaunan aniya ay naging delinquent sila dahil binago bigla ang polisiya na residential area na ang kinatitirikan ng kanilang warehouse.

“ I do not agree to that. Giving them (foreign investors) ownership will not solve the problem.It is more of policy changes that discourages the foreign investors from getting in,” sabi ni Go.

Mas posibleng maging dehado pa umano sa naturang panukala ang mga lokal na negosyante sapagkat posibleng mas mababa ang mga buwis na ipapataw sa mga foreign investors kumpara sa mga kasalukuyan ng nagnenegosyo dahil sa kagustuhan ng pamahalaan na hikayatin ito. Ibinigay niyang halimbawa ang sibuyas at ibang pananim ng mga magsasaka na nalulugi dahil nakukumpetensya ng mga mas murang imported na agricultural products na inaangkat sa ibang bansa.

Samantala, sa isang maikling pahayag ni George Barcelon, Presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PCCI), hindi umano siya sang-ayon sa naturang panukala dahil maaaring hindi anya maging maganda ang pangkabuuang epekto nito sa Pilipinas. Hindi na siya nagpaliwanag pa.

Samantala sinabi naman ng dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Rafael Alunan III, pangulo ng Rotary Club of Manila, hindi na kailangan ang Cha-cha o palitan ang Konstitusyon at sa isinusulong na isyu sa ownership ng foreign investors sa lupain at industry. “We are over legislated.What we need is just to implemen the laws that we already have right now,” ayon kay Alunan.

Samantala iginiit naman ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na ang kanilang lalawigan ay isang patunay na hindi na kailangan baguhin ang Cha-cha para magkaroon ng foreign investors o baguhin ang batas upang bigyan ng pagkakataon ang mga dayuhan mag may ari ng mga lupa sa Pilipinas o mga industriya.Ipinagmalaki niya na sa ngayon ay nakabase ang maraming planta ng industriya ng mga foreign investors sa kanilang lalawigan.

Nasa Batangas sa ngayon nakahimpil ang ilang malalaking factory, planta, at manufacturing companies ng ilang foreign investors tulad ng Epson Precision, Honda, Kin po Electronics, Kal-com Technology, Yamaha Motors, Furukawa Automative Systems, JT International Manufacturing Corp., Canon Business Machines, Ibiden, Atlantic Gulf and Pacific Company at marami pang iba.

“You don’t need to change the Constitution.You just have to implement our laws,” sabi ni Mandanas.

Samantala sa gitna ng agam agam ng ibang industriya tulad ng paaralan, media, advertising na baka umano mai take over na ang mga lokal na negosyante ng mga banyagang mamumuhunan, o baka magkaroon ng assimilation ng foreign thoughts sa education, sinabi ni House Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel Miral. Jr. sa press conference sa House of Representatives, na ito ay pang tertiary lamang kaysa nagpapadala ang gobyerno ng mga scholar sa ibang bansa upang mas matutunan pa nila ang edukasyon dun ay dalhin na lamang dito sa Pilipinas ang uri ng pagtuturo nila.

“Sa halip na ipadala natin ang mga scholars sa ibang bansa para mag aral…bakit hindi natin ito i- allow para maging bukas ang oportunidad sa nakakarami.Kung ang mga educational institute na ito at pupunta sa ating bansa ay maraming makakapag aral sa atin.Makakakapg take advantage ng bagong kaalaman.Sapagkat sa Singapore they welcome this.Ganun din ang Malaysia,” ayon kay Miral Jr.

Tungkol naman sa agam agam na matakeover ng foreign media ang mga local media ay sinabi ni Miral Jr. na kung titingnan daw ngayong digital age ang media mapa -local o foreign man, wala na umanong boundaries.”Sayang naman na sa halip na andidito ang headquarters nila, e andu doon sa ibang bansa.Kaya sana it will employ a lot of people kung andito ang mga headquarters nila kaysa anduduon sila sa ibang bansa tapos tayo nagpapadala lang ng content dun,”sabi ni Miral Jr.