ANG Nobyembre ay National Reading Month at National Book Development Month, mga okasyon para ipagdiwang ang pagbabasa at ang mga proyektong nagtataguyod ng panitikan, kultura, at mga aklat.
Ang National Book Development Board (NBDB), bilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na nakatutok sa mga ganitong inisyatiba, ay nangunguna sa pagpapalakas ng industriya ng paglilimbag sa Pilipinas.
Kamakailan, inihayag ng NBDB at ng Manila Critics Circle (MCC) ang mga nagwagi sa 42nd National Book Awards (NBA). Ang taunang parangal na ito ay nagbibigay-pugay sa pinakamahuhusay na aklat na isinulat, dinisenyo, at inilimbag sa Pilipinas. Sa taong ito, 326 na aklat ang naglaban-laban sa 31 kategorya at apat na wika. Para sa listahan ng mga nagwagi, bisitahin lamang ang Facebook page ng NBDB. Kasalukuyang naghahanda rin ang NBDB para sa 2025 Frankfurter Buchmesse, kung saan magiging guest of honor ang Pilipinas sa pinakamalaking book fair sa mundo.
Ngayong Nobyembre, isa pang mahalagang kaganapang pampanitikan ang magaganap: ang 2024 PEN Philippines Congress sa Nobyembre 27, mula 9 AM hanggang 5 PM sa The Verdure, 4th floor, Henry Sy Sr. Hall, De La Salle University, Taft, Manila. Pinamagatan itong “VIAJERO: The Journey of Philippine Fiction.“ Handog ito ng Cultural Center of the Philippines, kasama ang De La Salle University, Jose Family, Solidaridad Bookshop, at PEN Philippines. Ipinagdiriwang din sa dalawang araw na kongreso ang ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ng Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose.
Si Jose Dalisay ang magbibigay ng taunang Rizal Lecture, habang tampok sa Free the Word presentation ang isang bahagi mula sa dula na “Balete,” isang adaptasyon ni Rody Vera mula sa nobela ni F. Sionil Jose na “Tree.” Itatanghal ng Tanghalang Pilipino at ni Chris Millado ang dula. Magkakaroon din ng mga panel discussions upang talakayin ang pamana ni F. Sionil Jose bilang isang manunulat at suriin ang mga hamon at oportunidad sa panitikang Pilipino sa kasalukuyang panahon.
Sa Nobyembre 28, ang ikalawang araw ng event, gaganapin ang “The Man from Rosales: The F. Sionil Jose Conference” mula 9 AMhanggang 5 PM. Ipepresent dito ang ilang mga papers mula sa isang call-for-submissions, at magkakaroon din ng keynote addresses sina Saul Hofileña Jr. at Rody Vera. Ipapakilala rin ang mga nagwagi sa F. Sionil Jose Young Writers Award, na muling binuhay ng pamilya Jose sa tulong ng Cultural Center of the Philippines at PEN Philippines. Magkakaroon din ng exhibit ng mga litrato ni F. Sionil Jose sa lugar, isang guided tour, at bentahan ng mga libro.
Limitado ang mga upuan, kaya hinihikayat ang advance registration. Pwedeng magrehistro nang libre sa bit.ly/FSJ100