HINILING ng isang ranking official ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na isapubliko kapwa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang nakokolekta nito mula sa lehitimong Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Bukod dito, nais din ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mabatid kung magkano ang kabuuang halaga na nai-remit sa National Treasury ng dalawang nabanggit na ahensiya magmula nang pahintulutang pumasok ang mga foreign online gaming maintainer sa bansa.
Giit ng Surigao del Norte lawmaker, kung totoong marami nang POGO, na sinasabing aabot sa 200 ang bilang, ang naipasara dahil walang kaukulang permit o lisensiya, duda siya at posibleng ‘media hype’ lamang ang tinatayang bilyong revenue collections ng gobyerno mula sa naturang offshore gambling sector.
“If I may recall, 46 out of the 58 POGOs licensed by Pagcor are registered local or foreign corporations. Now, the BIR, together with the NBI and PNP, had shut down more than 200 illegal POGOs,” ayon pa kay Barbers.
“The question is: ‘How can the government derive billions of pesos in revenues from these POGOs if only 12 of them are registered firms and could be considered legal to operate in the Philippines?” tanong ng kongresista.
Sinabi ni Barbers na kapag natuloy na ang nakatakdang pagdinig ng Kamara sa POGO operations, una niyang pupuntiryahin ang pagtukoy kung papaano, sino ang nasa likod at maaaring nagpoprotekta sa binansagan niyang ‘kolorum online gaming firms’.
“First, we would ask the Bureau of Immigration and the Department of Foreign Affairs on the real number of POGO workers who are now present in the country. Next would be the Department of Labor and Employment on how many of these POGO workers had been issued with work visas and where are they deployed or employed,” pagbibigay-diin ng mambabatas.
“The last, of course, would be the Pagcor and the BIR. Is there any truth on their much-vaunted prophesies of billions of peso revenues out of these POGOs,” dagdag pa niya.
Aminado si Barbers na nagtataka siya kung bakit malalakas ang loob, lalo na ng Chinese POGO maintainers, na mag-operate at magpadala ng kanilang mga kababayan dito bilang kanilang mga operator at worker kahit batid naman nilang ilegal ang kanilang negosyo.
Pangamba ng ranking house official, hindi malayong nagagamit ang POGO operations sa Filipinas sa money laundering kapwa ng local at international drug syndicates, gayundin ng iba pang organized crime groups.
Naunang ipinahayag ni Pagcor Chairperson Andrea Domingo na aabot sa P20 bilyon kada taon ang naiaambag, sa anyo ng business space rentals o lease contracts, sa local real estate sector ng POGO industry.
Hinggil naman sa annual income taxes na nakokolekta rito ng gobyerno, sinabi ni Domingo na ito ay tinatayang nagkakahalaga ng P24 bilyon bukod pa sa P1.25 bilyon na value-added taxes kada buwan mulan sa P12.5 bilyon na ginagastos sa bansa ng POGO workers. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.