ISINALPAK ni DeMar DeRozan ang buzzer-beating 3-pointer upang tampukan ang 28-point performance at sandigan ang Chicago Bulls sa 108-106 panalo laban sa Indiana Pacers nitong Biyernes at mapalawig ang kanilang winning streak sa anim na laro.
Naghabol ang Bulls ng anim na puntos sa huling sandali. Nagdagdag si Coby White ng 24 points para sa Chicago, at naitala ni Nikola Vucevic ang kanyang ika-4 na sunod na double-double (14 points, 16 rebounds).
Tumipa si Caris LeVert ng 27 points para sa Pacers, habang kapwa nagposte sina Domantas Sabonis (24 points, 14 rebounds) at Torrey Craig (10 points, 11 rebounds) ng double-doubles. Nalasap ng Indiana ang ikatlong sunod na pagkatalo at ika-4 sa kanilang huling lima.
CELTICS 123,
SUNS 108
Nakalikom si Jaylen Brown ng 24 points at 11 rebounds at nagdagdag si Marcus Smart ng 24 points at 9 boards upang pangunahan ang Boston kontra bisitang Phoenix.
Umiskor si Josh Richardson ng 19 points, nag-ambag si Romeo Langford ng 16 at gumawa si Grant Williams ng 15 upang tulungan ang Celtics na putulin ang three-game skid. Naitarak ni Robert Williams III ang kanyang unang career triple-double na may 10 points, 11 rebounds at 10 assists, at nagdagdag ng 5 blocks.
Tumapos si Devin Booker na may 22points upang pangunahan ang Phoenix, na natalo ng tatlo sa huling apat na laro. Umiskor si Cameron Johnson ng 20, at nagdagdag si Jalen Smith ng career-high 19 points.
MAVERICKS 112,
KINGS 96
Nagbuhos si Kristaps Porzingis ng game-high 24 points, tumipa si Jalen Brunson ng 23 at nagwagi ang Dallas sa Sacramento upang ma-split ang two-game set.
Abante ang Kings ng 10 points sa first quarter, subalit na-outscore ng Mavericks ang Sacramento, 60-37, sa kalagitnaan ng dalawang periods.
Kumamada si Tyrese Haliburton ng 17-point, 10-assist double-double para sa Kings, na nagtatangka sa ikatlong panalo sa apat na araw. Nag-ambag si Marvin Bagley III ng 15 points.
Heat 120,
Rockets 110
Kumana si Jimmy Butler ng game-high 37 points upang pangunahan ang anim na players sa double figures nang malusutan ng bisitang Miami ang Houston para sa kanilang ika-5 sunod na panalo.
Nagsalansan si Tyler Herro ng 16 points, 6 rebounds at 9 assists para sa Miami habang kumabig si Kyle Guy, sariwa mula sa pagpirma sa 10-day contract, ng 17 mula sa bench. Nagposte si Omer Yurtseven ng 10-point, 13-rebound double-double.
Kumubra si Houston’s Jae’Sean Tate ng 22 points at 7 rebounds sa kanyang pagbabalik mula sa health and safety protocol. Umiskor si Christian Wood ng 18 points para sa Rockets, na nalasap ang ika-6 na sunod na kabiguan.
Sa iba pang laro, kinalawit ng Hawks ang Cavaliers, 121-118; ginapi ng Raptors ang Clippers, 116-108; dinispatsa ng Grizzlies ang Spurs, 118-105; namayani ang Thunder sa Knicks, 95-80; at pinataob ng Jazz ang Timberwolves, 120-108.