BUZZER-BEATER (Suns isinalba ng tres ni Johnson vs Knicks)

TINAMPUKAN ni Cameron Johnson ang pinakamatikas na laro sa kanyang career nang maisalpak ang malayong 3-pointer habang paubos ang oras para makumpleto ang 14-point, fourth-quarter comeback ng Phoenix at maungusan ang New York Knicks, 115-114.

Abante ang New York ng dalawa, may 7.1 segundo ang nalalabi, nang maipasok ni Alec Burks ang kanyang unang  free throw ngunit sumablay sa pangalawa. Nakuha ng Phoenix ang rebound at ibinigay ang bola kay Johnson, na tinampukan ang kanyang career-high, 38-point night nang pumasok ang kanyang 31-foot bank shot.

Tumapos si Cameron Payne na may 17 points at career-high 16 assists para sa Suns, na naglaro na wala sina Chris Paul (broken thumb) at Devon Booker (COVID protocol).

BUCKS 118, BULLS 112

Naitala ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang ika-6 na sunod na double-double nang gapiin ng Milwaukee ang Chicago para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

Nagbuhos ang two-time MVP ng game-high 34 points, 16 rebounds at 5  assists. Nagdagdag si Jrue Holiday ng 26 points at 8 rebounds, at kumubra si Khris Middleton ng 22 points para sa Bucks.

Nanguna si Zach LaVine para sa  Bulls na may 30 points, 8 rebounds at 6 assists. Nag-ambag si DeMar DeRozan ng 29 points, at nakalikom si Nikola Vucevic ng 19 points at 9 rebounds.

PISTONS 111, PACERS 106

Tumirada si Saddiq Bey ng 25 points at nagdagdag si Cade Cunningham ng 20 points at 9 rebounds upang pangunahan ang Detroit kontra bisitang Indiana.

Naghahabol ng anim na puntos, may 2:55 sa orasan, tinapos ng Pistons ang laro sa 12-1 run upang manalo sa ika-5 pagkakataon sa pitong laro.

Kumabig si Detroit’s Marvin Bagley III ng 18 points at 8 rebounds, habang nagdagdag si Isaiah Stewart ng 8 points at 13 rebounds. Nanguna si Malcolm Brogdon na may 26 points para sa Pacers, na salitan ang talo at panalo sa kanilang huling pitong laro.

Sa iba pang laro, tinambakan ng Pelicans ang Jazz, 124-90; dinispatsa ng 76ers ang Cavaliers, 125-119; namayani ang Hawks laban sa Wizards, 117-114; nangibabaw ang Magic sa Raptors, 103-97; ginapi ng Timberwolves ang Thunder, 138-101; at pinabagsak ng Nuggets ang Rockets, 116-101.